Advertisers
SALUDUHAN natin ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation pati ang Armed Forces of the Philippines sa mabilis na paglutas sa mga nangyayaring malalaking krimen dito sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Oo! Hindi tulad ng mga nakaraang administrasyon, mas mabilis maresolba ang mga karumal-dumal na krimen ngayon. Dahil narin ito sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad. Mabuhay kayo, mga Sir!
Pero isa sa malaking naitutulong kaya kaagad natutukoy ang mga kriminal ay ang mga CCTV sa mga establishment at mga kalye. Kaya dapat dagdagan pa ang mga camera ng CCTV na dekalidad sa mga kalye, pati sa highways para mabilis na masundan at matukoy ang tumatakas na mga kriminal.
Dapat nga ay ipagbawal ang pagsusuot ng helmet at facemask ng riders kapag nasa loob na ng kabayanan para makita sa CCTV footages ang mukha ng riding criminals. Ipatupad lang ang helmet sa mga highway kungsaan mabibilis ang mga sasakyan. Mismo!
Katulad ng nangyaring masaker sa tahanan ni Negros Oriental Governor Roel Degamo kungsaan siyam ang tinadtad ng bala, kabilang ang gobernador. Kitang kita sa CCTV footages ang pagdating at pamamaril ng mga salarin na mga nakabihis-sundalo.
Madaling natunton ang pagtakas ng mga salarin na sakay ng tatlong SUVs dahil na-identify sa CCTV footage ang mga sasakyang ginamit ng mga ito.
Kaya dapat gawin nang compulsary ng Department of Interior and Local Goverment (DILG) ang paglalagay ng mga CCTV camera sa bawat kanto pati sa business establishments at highways. Now na!
Again, pinupuri natin ang PNP, NBI at AFP sa mabilis na aksyon para malutas ang malalaking krimen ngayon. Mabuhay!
***
Natapos na ang tigil-pasada ng jeepney drivers. Tumagal lang ng dalawang araw ang bantang isang linggong strike.
Palakpakan natin dito sina Press Secretary Cheloy Garapil at Usec Roy Cervates ng Office of Executive Secretary na silang nakipag-usap sa mga lider ng jeepney drivers na nagsagawa ng tigil-pasada.
Siempre… dahil narin ito sa utos ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr.
Dito tayo bilib kay PBBM, pinakikinggan ang karaingan ng maliliit, hindi katulad ng pinalitan niyang administrasyon na puros mura ang inaabot ng mga nagpoprotesta! Hehehe…
Lumambot ang puso ng mga lider ng jeepney drivers nang mangako sa kanila si PBBM na tutulungan ang mga ito para maka-avail ng bagong sasakyan (airconditioned van) na naaayon sa programang modern transport system ng bansa.
Ito ang sinasabi nating “walang problema na hindi nalulutas sa mabuting usapan”. Mismo!
Pero teka, dapat tuparin ni PBBM ang kanyang mga ipinangakong ito sa jeepney drivers kung hindi ay babalikan siya ng mga ito. Opo!
May mungkahi naman ako sa mga jeepney na hindi na papayagang makapamasada, gawin nyo nalang itong pangargada o serbis sa mga palengke. Dahil hindi naman maisasakay sa airconditioned van ang mga gulay, isda at karne, mangangamoy ang loob ng sasakyan.
Puede rin gamitin pangargada sa mga probinsiya ang jeepney lalo’t kulang sa transportasyon sa mga liblib ng bayan. Kaya kikita parin ang mapi-phaseout na jeepneys!