Advertisers
TINAPOS nang wala pa sa itinakdang araw ang tigil-pasada makaraan kausapin sa Malakanyang ang mga lider ng samahan ng dyip at iba pang pampublikong sasakyan kaugnay sa mga hinaing nito.
Tiempo ang nasabing usapan dahil noong una ay tila minamaliit lamang ang tigil-pasada dahil mayroong ibang grupo sa sektor na ito ang nangako ng tulong sa gobyerno sa mga araw ng tigil-pasada.
Ito yung mga grupo na sumang-ayon sa ‘modernization program’ ng gobyerno sa usapin ng transportasyon partikular na ang uri ng sasakyan na ipapalit sa mga tradisyunal o sinaunang estilo ng dyip.
Katunayan ay marami nang bagong estilo ng dyip ang makikita sa ating mga lansangan na madalas masambit na hindi naman iyon dyip sa halip ay maituturing na isang tinatawag na ‘baby bus’.
Ang naturang yunit ay may halaga na aabot daw sa P2.4 milyon na huhulugan naman ng operator o drayber ng dyip sa loob ng 15 taon sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng kooperatiba.
Ganyan marahil kasi ang naisip na paraan ng mga nakaupo sa gobyerno noon kasabwat daw ang ilang lider ng transport group upang matustusan ang pagbili ng naturang bagong estilo ng dyip.
Pero mukhang nalintekan na ang mga lihim na usapan o interes [kung meron man] dahil lumabas ang bagong disenyo ng dyip mula sa kilalang manggagawa nito sa Pinas na Francisco Motors.
Mas mura ang naturang disenyo ng dyip na mahigit lamang sa isang milyon kung ihahambing sa P2.4 milyon na ‘baby bus’ na sumang-ayon naman ang Department of Transportation (DOTr) batay sa kanilang pamantayan.
Kung isusulong ng gobyerno ang tinatawag na ‘phaseout’ ay pihadong ang dyip ni Francisco ang bibilhin ng mga operator at drayber dahil isa sa reklamo nila ay sobrang mahal [nga] ng ‘baby bus’.
Paano na ang ‘usapan’? Sa palagay ko ay marami nang parating na ‘baby bus’ sa bansa dahil sa nalalapit na ‘phaseout’ pagkatapos ay umeksena ang Francisco. Kung malulugi ang negosyo ng mga ‘komisyuner’, tiyak tigil-pasada na naman?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com