Advertisers
MARAHIL ay nagkakatotoo ang balitang parang apoy na kumakalat sa hanay ng kapulisan sa Region 4A Camp Vicente Lim, Laguna at PNP Headquarter sa Camp Crame, Quezon City na tila “basag ang pula” nina Batangas PNP Provincial Director Col. Pedro Soliba at Tanauan City Police Chief LtCol. John G. Rellian laban sa sangkaterbang vice at drug operator sa Tanauan City?
“Basag daw ang pula” ng isang police official kung ito ay may ng mataas at sensitibong posisyon sa departamento ng pulisya ngunit kinakikitaan ng mahinang liderato at kakulangan ng disposisyon sa pagpapatupad ng tungkuling iniaatas ng kanilang nakatataas na pinuno.
Pangit na konotasyon ito sa karakter ng isang alagad ng batas, kahulilip din ng bansag na “malatuba” na ang ibig sabihin naman sa kapulisan ay di maayos magtrabaho at di maaasahan ng kanilang mga kabaro.
Hindi naman natin ikinakabit sa magigiting na PNP official tulad nina Col. Soliba at LtCol. Rellian at sa liderato ng mga ito ang taguring “basag ang pula,” ngunit habang patuloy ang operasyon ng mga iligalista tulad ng mga Small Town Lottery (STL) – con jueteng operator o bookies sa Tanauan City, pergalan (perya at sugalan), paihi, buriki, paawas at pasingaw sa iba pang panig ng lalawigan ay di maiaalis na mapagduduhang “basag ang pula” ng nasabing mga police official?
Si LtCol. Rellian ay itinalaga bilang hepe ng kapulisan sa siyudad ngTanauan – pinalitan nito si P/LtCol. Karlos Lanuza matapos na mabigong masawata ang operasyon ng nagkalat na bookies at pergalan (perya at sugalan) sa nabanggit na lungsod.
Sa pagtatalaga kay LtCol. Rellian bilang bagong Tanauan City cop, kaakibat na responsibilidad nito ay ang panatilihin ang kaayusan, kapayapaan at katiwasayan sa siyudad na hindi naging matatag dahil sa patuloy na pagtaas ng krimen na ang ugat ay ang di masupil na operasyon ng mga iligal na pasugalan na karamihan ay front ng kalakalan ng droga lalo pa ng ng STL bookies, pergalan at saklaan.
Wala na yatang tatalo sa lugar ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes na kung saan ay mga barangay leader, kagawad, at mga tigasing hoodlum o kriminal ang sinasabing financier/operator ng STL-con jueteng.
May 34 STL bookies sa Tanauan City na dekada na ang operasyon na natigil matapos ipag-utos sa unang araw ng kanyang panunungkulan noong Hulyo 1, 2023 ni mayor-elect at dating Batangas 3rd District Congressman Collantes, pero eksaktong isang buwan at 18 araw matapos ang stop order ng alkalde ay bumalik ang jueteng o bookies operation sa lungsod.
Ito’y matapos mapabalitang isang mataas na opisyal ng Tanauan City government ay tumanggap na ng Php 6 milyon goodwill money o “pasalubong” mula sa isang nagngangalang “Ocampo” na nagsilbing go-between ni Tanauan official at mga kapitan, kagawad, bigating residente at hoodlum na STL bookies financier/operator.
Bukod sa Php 6 milyon na “pasalubong” humirit pa si Tanauan City official ng halagang Php 1.5 milyon kada isang lingo, na katumbas din ng Php 6 milyon bilang monthly tongpats sa looban ng tatlong taon simula pagkaupo nito sa pwesto bilang halal na opisyal ng pamahalaan ng lungsod ng Tanauan.
Liban sa Php 6 milyon na payola kay Tanauan City government official ay nag-ambag-ambag din ang mga notoryus na gambling at drug pusher ng lungsod ng Php 6 milyon para sa ilang top-ranking PNP Region 4A police official hanggang sa Office of the Chief PNP sa Camp Crame.
Kabilang sa grupo ni “Ocampo” na bukod sa operator at may rebisahan ng STL bookies sa Brgy. Bagbag-hayag at high value target pa sa larangan ng kalakalan ng droga sa nasabing lungsod ay ang 33 pang kapwa nito gambling/drug operator sa Tanauan City, 25 sa mga ito ay kinilala ng KASIKRETA na sina Dimapilis, alyas Jr. Biscocho, alyas Kap Biscocho aka Kap Ambo, Lito, Gerry, Ms. Bagsic, Ablao, Melchor, Kon Burgos, Kon Perez, Kap Mario at Ka Teryo na bukod sa bookies operator ay may paihian, burikian at pasingawan pa ng petroleum product sa Brgy. Loyus at Brgy. Banadero.
Ang iba pang Tanauan City based drug/gambling maintainer ay sina Rodel; Emil; Angke; Lawin; Cancio; Berania; Dama; Dexter; Ms Lilia; Ms Cristy; Ms Annabel; Ms. Donna at iba pang lady gambling maintainer na noturyos ding shabu pusher sa buong lalawigan ng Batangas.
Ngunit dahil nga sa malaking payola kaya’t sinumang ma-aassign na Batangas PD at Tanauan City cop ay mistulang “nababasag ang pula” pagdating sa isyu ng operasyon ng STL con jueteng at STL con droga sa lungsod ng Tanauan.
Bukod sa perwisyong operasyon ng STL bookies sa Tanauan City talamak din ang pergalan at saklaan sa ibat ibang lugar sa probinsya ng Batangas kabilang dito ang puesto pijo o permanenteng pergalan (perya at sugalan) sa tabi ng basketball court ng Brgy. Putol sa bayan ng Tuy at Brgy. Puting Tubig, sa munisipalidad ng San Luis. May dalawang permanente ding saklaan sa Malvar Street at Brgy. Payapa, parehong sa bayan ng Padre Garcia. May lima pang sakla den sa Sto Tomas City, lahat ay sa probinsya ng Batangas. Ang paihian o burikian naman ay nasa Sitio Puyo, Brgy. Sta Clara, Batangas City, Brgy. Bulihan sa bayan ng Malvar at Brgy. Sto Toribio, sa syudad ng Lipa.
Talaga bang “basag ang pula” ni Col. Soliba, LtCol. Rillian at iba pang opisyales ng Batangas PNP o nasilaw ang kanilang mga mata sa lingguhang intelhencia na kinokolekta ng mga “kapustahan” (tong kolektor) sa mga operator ng STL bookies, pergalan at saklaan? Ating tututukan…
Sina PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. at Region 4A PNP Director PBGEN. Jose Melencio Nartatez Jr. “basag na din kaya ang kanilang pula”? Ito ang dapat alamin nina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com/09664066144.