Advertisers
ISINUSULONG sa Senado na mabigyan ng P1 million ang centenarians na aabot ng 101 taon gulang.
Sa Senate Bill 1951 na inihain ni Senator Risa Hontiveros, pinaaamyendahan ang Republic Act 10868 o ang “Centenarians Act of 2016”.
Bukod sa P100,000 cash gift na matatanggap ng mga Pilipinong aabot sa edad na 100 taon gulang, isiningit din dito ang probisyon na mabigyan ng P1 million ang mga lolo at lola na hahantong sa 101.
Maliban dito, isisingit din ang isang bagong probisyon sa batas na kumikilala sa octogenarians at nonagenarians.
Nakasaad sa panukala na ang octogenarians (80 at 85 taong gulang) at ang mga nonagenarians (90 at 95) ay makakatanggap ng liham ng pagkilala at pagbati mula sa pangulo at P25,000.
Ang National Commission of Senior Citizens ang siyang magpapatupad sa mga probisyon ng panukala sa oras na ito ay maging ganap na batas.