Advertisers

Advertisers

ORGANIZED CRIME GROUP ANG BUMIRA KAY GOV. DEGAMO – PNP

P5m reward ng DoJ vs killers; isa sa gunmen todas; 3 suspects mga AWOL na Phil. Army

0 283

Advertisers

IPINAHAYAG ng Philippine National Police (PNP) na isang organisadong crime group ang pumaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walo pa sa Pamplona, Negros Oriental, Sabado ng umaga.

Ipinaliwanag ni PNP public information office chief Colonel Red Maranan, na hindi ordinaryong kriminal ang mga umatake sa residente ng gobernador.

“Meron itong grupo… Ang tawag natin dito sa mga ‘to ay organized crime groups sapagkat hindi naman ito mga ordinaryong kriminal kasi may mga sasakyan sila, matataas na kalibre ng baril, nakakakuha sila ng mga uniporme ng law enforcement agencies. So, isa talaga itong organisadong criminal groups,” wika ni Maranan.



Napag-alaman pa na nakakatanggap na si Degamo ng mga banta ng kamatayan o death threat bago ang brutal na pamamaril sa kanyang rest house.

Ayon kay Central Visayas Police Spokesperson, Lt. Col. Gerard Pelare, isiniwalat ni Degamo noon ang tungkol sa iba’t ibang indibidwal na nagpapadala sa kanya ng mga mensaheng pagbabanta sa kanyang buhay.

Sa report, isa sa mga salarin sa pagpatay kay Degamo ang natagpuang patay sa hot pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines sa Barangay Cansumalig, Bayawan City Sabado ng gabi.

Pinaniniwalaan na iniwan ang bangkay ng iba pang salarin na tumakas sa lugar dahil mayroon itong tama ng bala.

Nitong Linggo, Marso 5 ng madaling-araw, narekober din ng mga awtoridad ang limang assault rifles, isang RPG na may limang bala, 4 bandoliers na loaded ng plate, isang rifle case, 2 combat uniforms, isang grey sweatshirt at 3 pares ng combat boots.



Tatlo pa lamang sa mga salarin ang nasa kustodiya ng Police Provincial Headquarters sa Camp Francisco Fernandez sa Agan-an, Sibular, Negros Oriental.

Naaresto ang mga salarin sa Sitio Punong, Barangay Cansumalig, Bayawan 4:20 ng hapon ng Sabado, March 4, 2023.

Kinilala ang mga naaresto na sina Joric Labrador y Garido, 50 anyos, ex-army, taga-Cagayan De Oro City; Joven Javier y Calibjo, 42, ex-Army Sgt. taga-Barangay Robles, La Castellana, Negros Occidental; at Benjie Rodriguez y Buladola, 45, taga-Bonifacio, Misamis Occidental. Ang mga ito’y kinumpirmang AWOL sa Philippine Army.

Tinutugis pa ng tropa ng pamahalaan ang iba pang salarin.

Sinasabing binayaran ang grupo ng P10 milyon para paslangin si Gov. Degamo.

Inaalam pa ng mga otoridad kung sino ang mastermind sa pag-atake na ikinasawi ng siyam katao at 13 ang malubhang nasugatan sa insidente habang 4 ang outpatients.

Kinilala ang mga nasawi na sina Roel Ragay Degamo, Provincial Governor; Jessie Bot-ay, civilian; Jose Marie Ramirez, barangay kagawad; Jomar Canseco, civilian driver; Crispin Vallega, civilian guard; Jerome Maquiling, civilian driver; Florenda Quinikito, kapitan ng Brgy. Fatima, Sta Catalina; Joseph Retada, civilian; at Michael Fabugais, civilian.

Ang mga sugatan ay kinilalang sina Lestor Chris Arnold, civilian; Marlo Quilnet, civilian; Doctor Liland Estacion , head medical doctor, NOPH; Corporal Gerald Malones, Philippine Army (11th IB); David Toryan Cortez (Media 96.1 Voice FM); Fredilito Cafe, civilian; Chyrell Garpen, civilian; Rosa Banquerigo, civilian; Vickmar Rayoso, civilian; Mayben Jun Torremocha y Cabildo, civilian; Nikki Espinas, civilian; Pedro Flores, civilian; Sgt. Edmar Sayon, Philippine Army (11th IB); Diomedes Omatang, civilian; Raymond Baro, civilian; Rodelio Ragay Quinikito, civilian; at Nikko Torres Alavaren, civilian.

Sinabi naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang benepisyaryo ng kanilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nasaktan sa insidente ng pamamaril.
Idinagdag pa ng kagawaran na agad nitong itinigil ang pagpaparehistro “upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at magpapatuloy kapag na-clear na ng Philippine National Police”.

Nasa labas ng kanilang residential compound si Degamo dahil sa pamamahagi ng ayuda mula sa 4Ps nang sumalakay ang grupo na armado ng matataas na kalibre ng baril.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.

Samantala, nag-alok ng P5 milyong pabuya ang Department of Justice (DOJ) para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa nasa likod ng pagpatay kay Degamo.

Sinabi rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inatasan na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang insidente.

Pahayag ni Remulla, ang ahensya kasama ang lahat ng iba pang law enforcement agencies ay hindi magpapahinga hangga’t hindi nakakamit ang hustisya ng mga nasawi.

Ipinag-utos na rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa PNP na magsagawa ng manhunt operations sa mga killer ng gobernador.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, nagpakalat na ng mga tauhan ang Negros Oriental Provincial Police Office sa lugar para tugisin ang mga salarin.

Sa ngayon, tinitingnan na ng isang special investigation task group kung gaano kadaling nakapasok ang mga salarin sa compound ni Degamo.(Mark Obleada/
Jocelyn Domenden)