Advertisers
HUMINGI ng dispensa si House Speaker Alan Cayetano kay Senate President Vicente Sotto III nang ibunton ang sisi sa Senado sa posibleng pagka-delay ng 2021 proposed National Budget na maaring magresulta sa re-enacted budget.
Sa kanyang Facebook live nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 8, sinabi ni Cayetano na nakausap na niya si Sotto hinggil sa naturang usapin at pinapaabot na rin sa iba pang mga senador ang kanyang paumanhin.
Ayon pa kay Cayetano tinawagan niya si Sotto upang ipaliwanag na hindi siya naninisi ngunit kung magkaroon man aniya ng “re-enacted budget” ay hindi ito parte ng Mababang Kapulungan.
Nilinaw ni Cayetano na walang may kasalanan dito sapagkat hindi naman inaasahan ang pananalasa ng pandemya dahilan kung bakit hindi rin kaagad naisumite ng Department of Budget and Management ang 2021 National Expenditure Program (NEP) ilang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo.
Mababatid na Agosto na nang matanggap ng Kamara ang kopya ng NEP mula sa DBM.
Sa kabila nito, tiniyak ni Cayetano na patuloy ang trabaho sa kanilang hanay upang sa gayon ay matiyak ang target na third reading approval ng budget sa darating na Nobyembre 16.
Ito ay para na rin aniya maisumite kinabukasan ang kopya ng budget sa Senado at para kanila naman itong mabusisi. (Josephine Patricio)