Advertisers

Advertisers

ISYU NA NAPAPANAHON

0 6,475

Advertisers

MANILA, Manila I Keep Coming Back to Manila There’s No Place Like Manila, Manila Coming Home, awit na pagpupugay sa ganda ng bansa. Hindi lang usapin ng lugar maging ang mga naninirahan sa bansang ito’y ‘di matatawaran ang kagandahan, pagiging magalang, mabait at masuyo. Hindi na mabilang ang husay ng lahing Pinoy na tinanghal sa maraming larangan tulad ng pagandahan, ang daming Miss Universe ang bansa, nariyan ang kauna-unahang Grand Master sa Chess ng Asya, maging ang billiard king, mga mahuhusay sa tanghalan, mang-aawit, dunong sa agham . Tunay na nakalulugod ang galing ng lahing Pinoy.

Sa galing ng lahi, hindi naging mapalad ang bansa sa pagsulong ng kabuhayan ng mamamayan sa batid na kadahilanan. Hindi umuunlad ang ekonomiya gayung masasabi na hitik ang bansa sa likas yaman. O sadyang ‘di pansin ng Pinoy ang likas yaman dahil karaniwan ito sa mata ng nakararami. O’ masasabing binulag sa maling kaalaman upang mapasailalim sa kumpas ng mga mananakop at maging palaasa sa halip na linangin ang angking galing o yaman. Sa kasalukuyan tila may kahinaan ang natutunan ng mga kabataan lalo sa mga iniidolo. Mas ibig ang ibang balat tulad ng mga Korean sa halip na kababayan ang hangaan. Hindi umunlad ang bayan dahil sa maling kaalaman na parang talangka na hinihila pababa ang kapwa Pinoy na nais maipakita ang galing. At kung ito’y balakid sa sariling interes kesehoda lagot ka.

Sa pagtakbo ng panahon kailangan bumagay ang tao sa umiiral na pagbabago na makakabuti sa bayan o sa lahat. Sa pagharap sa pagbabago huwag kalimutan ang aral ng nakaraan at gawing gabay sa hakbang na pagsulong. Huwag limutin ang magandang naidulot ng nakaraan. Sa halip ang pagpapabuti o pagpapainam ang dapat isulong ngunit dapat sabay – sabay at walang maiiwan o naduhagi. Ang mga maganda sa mata’y payabungin ngunit hindi makompromiso ang kapaligiran maging ang tao sa pagbabagong na ‘di pabago-bago. Pag-isipan ang kahihinatnang resulta at pakinabang ng lahat na walang aberya. Ang tamang pagbabago walang masasaktan sa hanay at kahit na anong antas ng taong bayan. Ibig ni Mang Juan ng pag-unlad at pagbabago ngunit tiyakin ang kapakinabangan ng lahat.



Sa bansa, bakit nasa huli ang pakinabang ng bayan at mamamayan gayung ang angking yaman ang ginagalawan. Kung may pakinabang, ‘di lubos ang nakukuha ni Mang Juan sa mga dayong may yaman daw na malapit sa liderato ng bansa. Halimbawa ang minahan, na nauubos ang likas yaman ng lugar ngunit kung pagmamasdan, ‘di umuunlad ang kabuhayan ng karaniwang tao sa lugar, ano masasabi ng isang senador na bagong halal. Ang masakit binuwag ng nasa pamahalaan ang barikada ng taong bayan na tumututol sa pagsira ng kapaligiran sa ngalan ng kaunlaran. Walang WINner dito.

Balik sa KaMaynilaan makikita sa mga larawan ang mga batang paslit na namamalimos sa kalye. Mga pamilyang naninirahan sa mga kariton na kung saan abutin ng antok doon magpapalipas, pamilyang na nakatira sa tagpi tagping karton, lumang bubong, at tawag pa rin dito’y bahay. Ito ang maunlad na buhay na gawa ng pagbabagong ‘galing sa dunong ng iilan na palasyo ang tirahan. At kapagkaraka, aalisin ang barong barong na tahanan ni Aling Nene dahil pag-aari ng Kamela ang lupa ‘t kailangang ayusin. At kung maayos na, pakinabang ba ito ng mahirap na mamamayan o sila’y ‘di na dapat sa may gwardyang tirahan.

Patuloy na sumusulong ang panahon ngunit walang kaunlaran sa buhay ni Mang Juan, maging ang pinsang tsuper na nangangatal ang katawan dahil baka ‘di matapos ang taon matsugi sa pasada. Hirap ang Mamang Tsuper sa pagbabagong nais ng LTFRB. Pagbabago sang-ayon sa ibig nito na gibain ang Samahan ng mga tsuper at gawing Kooperatiba. Kooperatibang ikakahon sa nais ng nasa gobyerno dahil negosyo ang usapin. Hindi kailangan ang militanteng kaisipan dahil pagkakakitaan ang pag-uusapan at ‘di welga. Sa tuntunin ng LTFRB mas mainam ang usapang negosyo at ‘di politika. Ang kagalingan sa kooperatiba mabibigyan ang kasapian ng pag-aaral na Pre Membership Education Seminar (PMES). Huhubugin kuno ang kaisipan ng tsuper hinggil sa mga Negosyo o maging negosyante. Tuturuan ng pag-iipon at marami pang iba.

Maganda ang layon, ngunit tunay ba ang takbuhin ng pagbubuo ng kooperatiba o para mabago ang uri ng sasakyang pinapasada sa lansangan ng bayan. Hindi minamali ang pagbubuo ng koop ngunit ang buwagin ang organisadong grupo sa ngalan ng kagalingan ng bagong sasakyang bayan ay may kamalian. O’ masakit sa mata ng LTFRB ang mga Jeepney na naglipana sa lansangan ng bayan. O’ baka may ibig kumita sa isyung ito? Isyu dahil marami sa mga jeep na nabangit ay patuloy na nagagamit at kumikita sa pamamasada, at ito ang hanap ng mga mananakay. Sa usapin na babaguhin ang sasakyang pampasada, ano ang mapapala ng Mamang Tsuper, ito ba’y walang gastos sa hanay nila at ano ang mangyayari sa jeep na ititigil sa pasada? O dagdag pasanin na pagkakakitaan ng LTFRB at negosyanteng kakilala. Hanep may hanapbuhay na may Negosyo pa. May Welga ba?

Sa pagpalit ng unit ng sasakyan sagot ng Mamang Tsuper kalakip ba ang bagong prangkisa na babayaran sa ahensya. O’ patuloy na magagamit ang lumang prangkisa? Ang mga tsuper na may bagong sasakyan’ libre sa huli sa regulasyong trapiko ng mga LGU? Paano ang maintenance ng mga sasakyang kukunin?



Napakarami ang tanong ngunit kulang sa sagot sa LTFRB. At tila nakatapaoho ang mga mata nito sa modernization kuno ang transport system sa bansa. Sa totoo lang, may nais na magnegosyo sa pagbabago ng itsura ng mga sasakyan at ‘di ang sistema. Mas nakikita ang kita ng iilan sa halip na benepisyo sa transport system ng bayan. Ang masakit ang phase-out ay phase-out ng jeep na kilalang gawang Pinoy dahil sa makulay na anyo. Sa dami ng mga pagkakakitaan ng LTFRB isinalang ang kapakanan ng Mamang Tsuper ng jeep na hilahod na sa bigat ng mga gastusin sa mahal ng krudo. At heto ang dagdag na pasanin tulad ng butaw sa koop, hulog na bayarin sa bagong sasakyan at programang dapat puntahan na patawag ng ahensya ng pamahalaan.

Pagkakakitaan ang pagbabago ng uri ng sasakyan na pumapasada sa lansangan ng bayan, huwag ng dagdagan ang pasanin ng Mamang Tsuper sa dagdag na amortisasyon sa bagong sasakyang ipinagbibili ng LTFRB. Mas Malaki ang pakinabang Ninyo sa halip na sa mga tsuper. Maganda ang layon ngunit ‘di napapanahon na mapalitan ang sasakyang kinasanayan ng bayan..

Maraming Salamat Po!!!