Advertisers
NGAYONG nasa ‘new normal’ ang bansa at online/modules ang edukasyon kungsaan nagsisilbing eskuela-han ang mga tahanan, mahigpit na ipinagbabawal ng gobierno ang mga maiingay na bagay sa barangay para hindi maistorbo ang pag-aaral ng mga mag-aaral.
Partikular na ipinagbabawal ang videoke sa mga oras at araw ng blended learning.
Ipinagbabawal din ang pag-aalaga ng maiingay na aso, yung kahol nang kahol; tilaok/putak ng mga manok, maingay/sigawan ng mga kapitbahay, pagpupokpok, at malakas na tambutso ng motorsiklo.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Under Secretary for Barangay Affairs Martin Diño, may mga local ordinance at national law na nagbabawal ng mga maiingay sa barangay. Implementation lang, aniya, ang kulang.
At dahil nga blended learning ngayon, ang mga bata ay sa kanilang tahanan nalang nag-aaral ng kanilang klase, inatasan ng DILG ang mga barangay na mahigpit na ipatupad ang naturang mga batas. Kung hindi kaya ng barangay ipatupad ang kautusan, i-report ito sa DILG at ang huli na ang bahalang magkaso sa barangay chairman na inutil.
Let’s do it, folks!
***
LAMANG at gustong kumamal ng limpak limpak na sa-lapi itong taga-Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) gamit ang Metalgear Towing Services na namumugad sa likod ng Manila Zoo sa Adriatico st., Malate, Manila, hatakin nyo ang napakaraming illegal parking sa kahabaan ng Zaragoza st., mula sa may Gat Andres Hospital hanggang Almario Elementary School, sa Tondo.
Hindi na kailangan rito ang pormal na reklamo sa opisina ng MTPB sa City Hall para i-clear sa obstructions at illegal parking ang Zaragosa st. Dahil noon pa man ay may kautusan na ang DILG sa LGUs na walisin ang mga sagabal sa kalye, main roads at secondary streets.
Katulad ng ginawa ninyo, MTPB Motorcycle Unit, na panghahatak ng mga SUV at kotse sa Moriones nitong Martes, kungsaan kabit-kabit pa ang pag-tow nyo.
Sabi ni Yorme Kois, walang towing ang MTPB kundi clamping lamang kapag sila’y nag-operate against illegal parking. Kung ganun… bakit iginigiit nitong Metalgear Towing Services na may mga backup ng MTPB enforcers na may kasulatan sila ng MTPB na maari silang manghatak ng illegal parking vehicles? Sino ang nag-uutos sa kanila, MTPB Chief Dennis Viaje?
Kaya kontra ako sa towing dahil napakaabusado nito. Nakasisira pa ng behikulo at napakataas ang tubos. Hindi serbisyo ang ginagawa nila kundi perwisyo at pagsasamantala makakamal lamang ng limpak limpak na salapi.
Oo! Umaabot sa milyon ang kinikita ng towing sa Maynila. Mantakin mo ang tubos sa isang kotse P3,500 hanggang P6,000. Mas mataas pag mas malaking sasakyan tulad ng SUV at van.
Sa towing, barya-barya lang ang napupunta sa LGU. Ang kumikita ng limpak rito ay ang towing company tulad ng Metalgear Towing Services.
Gusto nating malinis sa illegal parking ang mga kalye sa Maynila, pero hindi sa pamamagitan ng towing. Mas pabor tayo sa clamping at ang multa ay sa City hall ang bayad, may opisyal na resibo, para tiyak na sa kaban ng Lungsod ang pasok ng pera. Tama ba ako, Mr. Viaje?