Advertisers
NATAGPUANG patay ang kapatid ng isang mayor sa Negros Oriental nitong Lunes.
Kinilala ang biktima na si Don Paulo Zartega Teves, 42 anyos, nakababatang kapatid ng alkalde ng bayan ng Valencia, Negros Oriental na si Edgar Teves.
Ayon sa report ng Valencia PNP, natagpuan ang bangkay ni Teves sa Barangay Calayugan Lunes ng umaga.
Nakabalot sa kumot at plastic bag ang katawan ng biktima at may tama ito ng baril sa ulo.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung ano ang motibo at kung sino ang posibleng nasa likod nito.
Dagdag pa ng pulisya, walang koneksyon sa gobyerno o lokal na politika si Teves, at wala rin siyang kaugnayan sa New People’s Army (NPA).
Sa isang hiwalay na pahayag, nanawagan sa pulisya ang dating gobernador ng Negros Oriental na si Pryde Henry Teves na bilisan ang imbestigasyon sa sinapit ng kanyang pinsan.
Wala umanong atraso ang biktima kaninuman, at masakit para sa dating gobernador na makitang tinapon na parang basura ang bangkay ng pinsan.
“If it can happen to someone in our family, it can happen to anybody,” aniya.(Mark Obleada)