Advertisers

Advertisers

HUWAG MAGTIWALA, HINDI PA TAPOS ANG LABAN

0 542

Advertisers

NOONG Sabado, dakong dapithapon, kumalat ang balita na itinigil ng Altai Mining Corporation ang kontrobersyal na nickel mining operations sa isla ng Sibuyan sa Romblon. Nagbunyi ang mga mamamayan dahil kinakatawan ng balita ang pansamantalang tagumpay laban sa makapangyarihang pamilya ng Gatchalian, ang may-ari umano ng kumpanya.

Hindi pa tapos ang laban kahit na ibinando ng DENR na pinatigil ang operasyon ng Altai sa isla na itinuturing na “Galapagos of Asia” dahil sa paglabag sa mga alituntunin ng pagmimina. Tandaan na maaaring bumalik ang Altai Mining anumang oras lalo na kung nakita nila na naging kampante ang mga mamamayan.

Ayon kay Rodne Galicha, tagapagsalita ng ng Living Laudato Si at namumuno sa mga grupong nangangalaga sa kaligiran kontra Sibuyan mining, binanggit ng kinatawan ng DENR na nilabag ng Altai Mining ang Water Code of the Philippines, ang DAO 2004-24 at ang Implementing Rules and Regulations dahil sa kawalan ng foreshore lease agreement ng pantalan, PD 1586 dahil sa paggawa ng causeway nang walang Environmental Compliance Certificate, at PD 705 dahil sa pagpuputol ng mga puno nang walang permit.



Malalaman kung talagang itinigil ang operasyon ng pagmimina kung gagawin ng Altai Mining ang tatlong bagay: una, buwagin ang pantalan para sa mga sasakyan pandagat na nagdadala ng nickel ore sa ibang bansa; pangalawa, isara ang kalsada na ginawa nila para sa mga sasakyang pangmina; at pangatlo, ayusin ang mga lupain na kanilang sinira sa ilegal na pagmimina at taniman ng puno at halaman ang naturang lupain.

Huwag iwanan ng mga nagproprotestang mamamayan ng Sibuyan ang barikada at manmanan ang mga tauhan ng Altai Mining at ang subcontractor na Atlantic Dynamo dahil may kakayahan sila na bumalik dahil hawak nila ang mga opisyal ng Romblon tulad ni Gobernador Otik Riano, Kinatawan Budoy Madrona, at Nanette Tansingco, ang utal-utal na alkalde ng bayan ng San Fernando kung saan nandoon ang minahan.
***
SINUSUPORTAHAN namin ang panukala na maghain ng petisyon ang mga mamamayan ng Sibuyan sa Korte Suprema at humingi ng Writ of Kalikasan. Isang remedyong legal ang Writ of Kalikasan upang itigil ang anumang proyekto, pampubliko o pribado, na maaaring magbigay ng masamang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan at kaligiran. May karapatan ang bawat mamamayan na magkaroon ng malinis na kaligiran upang pangalagaan ang kalusugan. Ito ay naayon sa probisyon ng Saligang Batas na nagbibigay karapatan sa mga mamamayan sa maayos at malusog na kaligiran.

Maaaring humingi ng Writ of Kalikasan ang mga mamamayan ng Sibuyan sa pangamba na maaring masira ang kaligiran – ang mga bukirin at ilog ng Sibuyan – sa pagpapatuloy ng operasyo ng Altai Mining. Kinilala ang Sibuyan sa magandang kaligiran kung saan mayroon “biodiversity” dahil sa iba’t ibang uri ng hayop at halaman. Kung masira ang kaligiran, kinatatakutan ang baha, landslide, at pagguho ng lupa sa isla.

Batay sa agham ang pangamba ng mga mamamayan na sisirain ng nickel mining operations ang ibaba ng pamosong Mt. Guiting Guiting. Idineklara ito na “protected area” ng DENR. Kung masisira, ito ang katapusan ng isla sapagkat kung babaha at magkakaroon ng landslide, wala halos silang tatakbuhan dahil hindi kalakihan ang isla ng Sibuyan. Natuto na sila sa kinahinatnan ng probinsya ng Mariduque na sa haba ng panahon pagkatapos ng sakuna sa pagmimina na iniwan ng Marcopper Mining Corp., ay maraming mga bata ang isinilang na kung hindi kulang ang mga daliri ay hindi tama ang hubog ng katawan.

Batay sa nakalipas na desisyon ng Korte Suprema, maaaring humingi ang sinuman ng Writ of Kalikasan kung maipapaliwanag ang panganib ng anumang proyekto sa kaligiran at mga mamamayan. Ipinaliwanag ng Korte Suprema na sa ilalim ng kasalukuyang batas, kailangan magsumite ng environment clearance certificate (ECC) ang mga gagawa ng proyekto na maaaring makapinsala sa kaligiran.



Ipinaliwanag ng Korte Suprema ang Writ of Kalikasan at ito ay isang remedyo na “special civil action” sa ilalim ng Rules of Procedure for Environmental Cases (RPEC). Maaaring makakuha ng Writ of Kalikasan ang sinuman na totoong tao o organisasyon (people’s organization, NGO, o public interest group) na maaaring maapektuhan ng isang proyekto batay sa kanyang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas na mapangalagaan ang sarili sa pinsala dala-dala ng proyekto.
***
PINAKAMALAKING problema ng mga malalaking bangko ang laganap na katiwalian kung saan nawawala ang deposito ng kanilang mga kliyente. Ayaw tanggapin ng mga bangko ang katwiran na pumalpak ang kanilang sistema. Hindi sila naniniwala na biktima rin sila ng mga sindikato. Hindi nila matanggap na nakipagsabwatan sa kanilang mga empleyado sa mga sindikato upang nakawin ang deposito ng kanilang mga kliyente.

Pinagkakaingatan-ingatan ng mga bangko ang kanilang imahe sa publiko. Hindi nila matanggap na basta na lang sila masisira sa publiko. Ang pagtitiwala ng publiko ang kanilang puhunan sa negosyo. Kapag nasira ang tiwala, maaaring magkaroon ng bank run kung saan dadagsa ang maraming depositor sa mga bangko upang bawiin ang salapi na inilagak sa kanila. Malulugi ang mga bangko sa kalaunan. Maaaring bumagsak ang sistemang pinansiyal sa bansa.

Nauunawaan namin ang paninindigan ng mga bangko, ngunit hindi ang ibunton ang sisi sa mga kliyente na nawala ang kanilang deposit dahil sa manipulasyon ng pinagsamang kanilang empleyado at kasapi ng sindikato. Marapat na tanggapin ng mga bangko na napalusutan sila ng mga sindikato sa kanilang sistema. Marapat na akuin ng mga bangko ang responsibilidad at huwag ibunton ang sisi sa mga kliyente na naging biktima ng panloloko.

Kasalanan ng bangko ang laganap na lokohan. Hindi nila binigyan ng sapat na edukasyon ang mga kliyente tungkol sa online banking. Bagong teknolohiya ang online banking na gumagamit ng teknolohiyang digital para sa mga transakyon. Hndi lahat ng kliyente ay may kakayahan na unawain ang bagong sistema na madaling napasok ng mga sindikato. Bukod diyan, hindi ganap na ligtas ang kanilang sistema sa mga sindikato.
***
DAHIL sa mga nauna naming kolum tungkol sa katiwalian sa mga bangko kung saan nawala na lang basta ang mga deposit ng mga kliyente, may mga dumating na mga liham mula sa mga biktima. Isang kliyente ang nagreklamo sa amin na hindi sinagot ng Security Bank ang kanyang kalatas na nag-uulat sa hindi awtorisadong paglipat ng malaking halaga mula sa kanyang deposit patungo sa isang hindi makilalang bank account sa Union Bank.

Kahit ilan beses niyang iniulat na kanselahin ang paglipat ng pondo, hindi ito pinansin ng bangko. Walang paliwanag ang bangko at lumalabas na kasalanan pa niya ang pagkawala ng kanyang pera. Hindi siya pinansin ng mga opisyales ng bangko at sa huli, wala siyang nakausap kundi call center representative ng bangko na walang kapangyarihan magdesisyon. Hindi lang siya nawalan ng pera, nagmukha pa siyang tanga, aniya. Kakatwa ang pangalan na “Security Bank” ng bangko na ayon sa kanya ay “walang seguridad ang mga deposito.”

Isang depositor ng Security Bank na biktima rin ng bank scam ang nag-ulat sa amin na sinagot ng Security Bank ang kanyang reklamo tungkol sa nawalang deposit na nasa kabuuan ng P1.1 milyon. Ngunit isang de-kahon na sagot mula sa kanilang call center ang kanyang natanggap. Ito ang karaniwang ipinadadala sa mga ibang biktima.

Nakakapagtaka na nawalan siya ng P1.1 milyon na deposit ngunit taga-call center lang ang kanyang kausap at nagpadala lang sa kanya ng liham na may lagda proforma ng isang opisyal ng bangko. Walang humaharap na opisyal ng bangko. Hindi pinapansin ang reklamo, aniya, at kahit lumuhod at humalik sa kanilang mga paa, hindi ka nila papansinin. Samakatuwid, kailangan pangalagaan ang mga inilagak nap era sa bangko. Mas maigi bawiin ang deposit hanggang maaga. Maigi na huwag pumasok sa online banking dahil walang kasiguruhan.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Tanong: Tanging ‘donation’ lang ba ng limang ektarya ng lupa sa Cavite ang basehan para bigyan ng honorary degree ng UP si Senator Mark Villar? Is Mark Villar an exemplary public servant to the Filipino people?” – Rodolfo Medrano, netizen

“Banks must educate clients about online banking. Banks must realize they are also victims of syndicates, who defraud clients.” – PL, netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com