Advertisers
LAGUNA – Palutang-lutang na sa ilog nang matagpuan ang bangkay ng 4-anyos batang babae matapos mapaulat na nawala nitong Biyernes, Oktubre 2, sa Barangay Libis ng Nayon, Mabitac ng lalawigang ito.
Sa ulat ni Police Capt. Edwin Goyena, hepe ng pulisya, nakilala ang biktima na si Jessabelle Avengonza ng Apo Ville Subdivision, Sitio Alas-As, Bgy. Libis ng Nayon.
Sa isinagawang pagsisiyasat ni Goyena, 1:00 ng hapon ng Biyernes nang iniulat ng pamilya sa himpilan ang pagkawala ng kanilang anak matapos magpaalam na pupunta ito sa kanilang ‘comfort room’ habang abala sa pag-aayos ng module ang kanyang inang si Annabelle at ang ama na si Arnold ay nasa trabaho.
Makaraan ang ilang araw ng paghahanap sa bata, nakita itong bangkay na, palutang-lutang sa ilog bandang 4::00 Linggo ng hapon, mahigit 200 metro ang layo mula sa kanilang tirahan.
Ang labi ng biktima ay naaagnas na at walang saplot sa ibaba ng kanyang katawan, habang ang puwerta nito ay namamaga, may lumabas na bituka, palatandaan na ito ay ginahasa.
Ayon sa pahayag ng kaanak ng biktima na si May Villanueva, hindi kayang maglakad at pumunta ng nag-iisa ang bata sa ilog dahil bukod sa malayo, may malalaking puno ng kahoy, masukal at maputik na sakahan.
Kaugnay nito, nananawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima sa karumal-dumal na krimeng ito.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya. (DICK GARAY)