Advertisers

Advertisers

LIBONG HOMELESS NAPALUHA NANG DALAWIN NI ISKO

0 331

Advertisers

UMAGOS ang luha ng halos libong mga palaboy at walang tirahan, na may pitong buwan ng kinukupkop ng pamahalaang lungsod ng Maynila, nang personal silang dalawin ni Mayor Isko Moreno at department of social welfare chief Re Fugoso sa kasagsagan ng ulan, kamakailan.

Ayon kay Moreno, nais lamang niyang pataasin ang moral ng mga palaboy at walang tirahan na pansamantalang kinukupkop ng pamahalaang lungsod sa mga temporary shelters simula pa noong Marso nang magsimula ang lockdown na resulta ng pandemya.

“Natuwa naman ako at corned beef pa ang tinitira nila,” pahayag ni Moreno, kasabay ng pag-aanunsyo na mahigit 200 indibidwal na ang nakinabang sa ‘Balik-Tahanan’ program na ipinapatupad sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).



Sa ilalim ng nasabing programa, sinabi ni Moreno na ang mga stranded ay hinatid na sa kanilang mga probinsya either by land or by sea matapos ang medical checkup at testing sa COVID-19.

“Yung walang kaanak nilalagay sa temporary shelters. We have been feeding them since the lockdowns began in March plus testing, toiletries etcetera. Salamat sa mga nagdo-donate ng vitamins, minsan chocolates pa,” sabi pa ni Moreno.

Napag-alaman kay Fugoso na ang mga indibidwal na kinukupkop sa Fugoso, Rasac at Canonigo covered courts at Boystown complex ay nasa 1,000 ang kabuuang bilang.

Maliban sa ibibigay na three square meals a day na kinabibilangan ng breakfast, lunch at dinner sa mga kinukupkop na mga palaboy at walang tirahan, sinabi ni Fugoso na binibigyan din ang mga ito ng basic necessities tulad ng toiletries at hygiene kits, at maging ang mga temporary shelters ay pinapanatiling malinis at sanitized sa lahat ng oras.

Idinagdag pa ni Fugoso, na hands-on sa operasyon ng mga temporary shelters, na ang mga donasyong pagkain, damit na natatanggap ng lungsod ay diretso agad sa nabanggit na mga homeless at streetdwellers na nasa ilalim ng pangangalaga ng local DSW.



Mayroon ding entertainment na ipinagkakaloob ang pamahalaang lungsod tulad ng free showing of movies, Zumba o aerobics sessions at storytelling sa umaga mula sa mga daycare workers sa tulong ng Manila City Library.

Ayon pa kay Fugoso, sa utos ni Moreno ang mga senior citizens at physically-challenged individuals na pinabayaan na o inabandona ay dinadala sa Luwalhati ng Maynila sa Boystown habang ang mga bata o menor de edad na nakikitang pagala-gala ay ibinabalik sa kanilang mga magulang.

Sinabi pa ni Fugoso na yaong mga binisita ng alkalde ay napaluha simulang pagdating at pag-alis nito at ayon sa kanila ay walang pagsidlan ang kanilang kagalakan sa pagdalaw ng alkalde. Wala rin aniyang sapat na katagang makapagpapahayag ng kanilang pasasalamat kay Moreno at sa pamahalaang lungsod sa pag-aaruga sa kanila sa panahon ng pandemya.

Tiniyak naman ni Moreno na gagawin lahat ng pamahalaang lungsod sa abot ng kanilang makakaya na kupkupin ang mas marami pang nangangailangan hangga’t makakaya. (Andi Garcia)