Advertisers
DALAWANG bagay ang kapansin-pansin na hindi tinalakay ni Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi: Ang 91 porsyento approval rating niya sa huling survey ng Pulse Asia; at ang usapin ng susunod na ispiker.
Tama ang sapantaha ng ilang netizen na kahit si Duterte ay hindi makapaniwala sa mataas na rating. Sobrang taas kahit wala siyang ginawa kundi ang matulog at umasa sa pagdating ng bakuna. Nahilo si Duterte sa pandemya sapagkat hindi alam ang gagawin. Walang plano, walang programa, at walang target. Walang mass testing, walang contract tracing, at walang-wala talaga.
Hindi kami naniniwala sa sinasabi ng mga paham na hindi binanggit ni Duterte ang isyu ng susunod na ispiker sapagkat wala siyang desisyon. Sa tingin namin, may desisyon na siya. Bago humarap si Duterte sa kamera, kinausap niya si Kin. Lord Allan Velasco na mas kilala sa kanyang initial na LAV at nag-usap ng ilang minuto hinggil sa panukalang pambansang budget sa 2021.
Hindi sumangguni si Duterte kay Alan Peter Cayetano. Hindi siya tinawag hinggil sa status ng panukalang pambansang budget sa 2021. Minamadali ito ni Duterte upang maiwasan ang nangyari noong 2018 kung saan naantala ng tatlong buwan ang pagpasa ng pambansang budget ng 2019. Maraming kandidato ng administrasyon ang mga natalo sa halalan ng 2019.
Nabalam ng dalawang araw ang talakayan sa pambansang budget noong nakaraang linggo matapos magtalumpati si Cayetano at humingi ng boto kung tatanggapin ng mga mambabatas ang “alok na magbitiw.” Hindi siya tuwirang nagbitiw. Nag-alok lamang siya na magbibitiw.
May tumatawag kay Velasco na “Ispiker LAV” dahil napansin na hindi hinarap ni Duterte ang “Manifesto of Support” ni Cayetano noong ika-29 ng Setyembre. Hindi binasa ang Manifesto na pirmado ng mga mambabatas na humihingi umano na isantabi na ang term-sharing agreement ni Cayetano at Velasco.
Nais ni Duterte na kilalanin ni Cayetano at mga mambabatas ang napagkasunduan. Ayaw ang maraming usapan dahil napagkasunduan ito. Kahit si Bong Go ay hindi sang-ayon sa magulong usapan.
***
PINAG-IINITAN ni Cayetano si Kin. Mikee Romero ng One-Pacman at Kin. Arnie Teves ng Negros Oriental dahil sa kanilang papel sa labanan sa susunod na ispiker. Pinaghinalaan ni Cayetano si Romero, isang masugid na tagasunod ni Ispiker LAV, na nasa likod ng maniobrahan sa Kamara de Representante.
Galit si Cayetano kay Teves dahil ibinisto ng huli na P11 bilyon ang panukalang pondo sa imprastraktura ang mapupunta sa Taguig City na kinakatawan ni Cayetano at asawa sa Kamara. Inakusahan ni Cayetano si Romero at Teves ng “business malpractices.” Hindi nilinaw ang akusasasyon.
Umiinit ang galawan sa Kamara. Mukhang hindi matahimik si Cayetano. Mukhang natutunugan niya na babakbakan siya sa Kamara. Kahit may 184 mambabatas ang tumutol sa “alok” na magbitiw, alam niya na hindi ito solido sa takdang araw na bababa siya na ayon sa usapan. Sa ika-14 ng Oktubre ang labanan.
Ngayon, matindi ang gapangan sa Kamara. Tao-tao ang bilangan. Marami ang hindi nagpapahayag ng kanilang saloobin. Sa ika-14 ng Oktubre na lang. Sa maikli, hindi nakakasiguro si Cayetano kahit may 184 na nagpahayag ng kumpiyansa sa kanyang liderato noong nakaraang linggo. Isa lang ang ibig sabihin niya: Marami ang babaligtad. Dito kinakabahan si Cayetano. Hindi siya sigurado.
***
NAKAKABAHALA ang ulat ni Liling Briones, kalihim ng DepEd, tungkol sa sitwasyon ng edukasyon ng bansa. Sa kanyang pagharap sa publiko na kasama ni Duterte noong Lunes ng gabi, tahasang inamin ni Briones ang 50 porsiyento ang pagbagsak ng enrolment sa mga paaralang pribado kahit nasa 100 posyento ang sa mga pampublikong paaralan.
Mayroong 24.7 milyon ang nagpatala mag-aral sa pagbubukas ng klase ngayong Oktubre at kinakatawan nito ang pagbagsak ng 89 porsyento sa kabuuang enrolment noong 2019, ani Briones. Umabot sa 22.5 milyon ang enrolment sa mga pampublikong paaralan at ganitong bilang din noong 2019, ani Briones.
Ngunit 2.1 milyon ang nagpatala sa mga paaralang pribado, aniya, o kalahati noong 2019. Bumagsak ang enrolment sa alternative learning para sa mga out of school youth, o iyong mga walang trabaho, aniya. Saan kaya pupulutin ang ating bansa?
***
AYON kay Konsehal Roy Tapawan pilit umano silang pinalalagda ni Allan de Leon, ang kontrobersiyal na barangay captain, sa isang resolusyong magbibigay ‘authorization’ sa nasabing kapitan para bayaran ang may P13 milyong halaga ng mga gastusin kaugnay ng kanilang COVID-19 response.
Dagdag pa ni Tapawan, bagama’t mayroong kakayahan ang kanilang barangay para bayaran ang mga ito, mali aniyang pabayaran sa pamahalaan ang donasyon lamang ng mga pribadong negosyante sa kanilang bakuran. At kung mayroon mang tunay na binili ang barangay, hindi ito aabot ng ganung kalaki.
Mismong si de Leon pa nga raw ang unang nagsabing kalahating milyon lang sa kanilang P3.5 million calamity fund ang kailangan nila para sa mga pangangailangan kaugnay sa localized approach laban sa pesteng virus mula sa bansang Tsina.
Notoryus na rin umano si de Leon sa Commission on Audit na makailang ulit nang nag-flag down at naglabas ng Notice of Disallo-wance sa kanilang barangay dahil sa mga kwestiyonableng transak-syon.
Nagulat aniya siya nitong nakalipas na Hunyo nang sila’y hainan ng dokumentong “for signature” na lamang nila — isang resolusyong humihingi ng authorization sa konseho na gamitin ang kanilang Internal Revenue Allotment.
Sa kanya umanong pagtatanto, ang lumalabas umanong gastusin ay mga supplies – relief food packs, gamot, pagkain ng mga frontliners, PPEs, at iba ay puro donasyon mula sa pribadong sektor at mga kapitalistang may malalaking negosyo sa kanilang barangay. Sinita din umano siya ni de Leon sa aniya’y “pagdududa” sa mga gastusin.
Sa ganang akin, dapat lang naaayon sa tamang proseso ang bawat gastusin ng pamahalaan, malaki man o maliit, lalo pa’t higit na dapat pagtuunan ng pamahalaan ay ang mga pangangailangan ng mga mamamayan ngayong panahon ng pandemya.
Iilan lang ang nakikinabang sa kaban ng bayan gayung batid naman ng lahat na nagdulot ng matinding dagok sa hanapbuhay, kalusugan, kabuhayan at edukasyon ang buong bansa.
***
PAGLILINAW:
HINDI kami parte ng kahit anuman partido. Lahat ng sinusulat ko, artikulo o komento ay masusing binasa at hinimay bago iposte sa social media. Sinisiguro ko na lahat ay may basehan.
Tumatanggap kami ng puna sa bawat artikulo na aming sinusulat. Maaari iyan pag-usapan sa mahinahon na paraan. Ngunit sadyang may mga nilalang na “intellectualy superior from the rest” o nagmamagaling na nais i-police ang bawat kataga na lumalabas sa social media sabay insulto. Sila iyung ang pakiramdam ay may hawak ng prangkisa sa katalinuhan. Nais ko ipabatid sa kanila na matibay ang tuhod ko at kaya panindigan ang lahat ng sinusulat ko. Hindi kami bastos ngunit hindi rin kami papayag na alipustain. Sa maikli, call kami.
ANO ang pagkakaiba ng journalist at blogger? Parehong nag-uulat ang mga journalist, o mamamahayag, at mga blogger, o “bulagger.” Parehong nagpapahayag ng kanilang opinion. Ngunit may pagkakaiba sila pagdating sa pananagutan ng kanilang mga isinusulat. Hindi nananagot ang mga blogger.
Ito ang paglilinaw ng aming kaibigan na si Philip Lustre: Aniya: “The main difference between journalists and bloggers is on the issue of public accountability. When a legitimate journalist makes mistakes either intentionally or accidentally, his media organization and peers would definitely censure him. Sanctions range from a simple reprimand to outright termination of services. Peers criticize or ostracize him. Every legitimate journalist is expected to follow the Journalist’s Code of Ethics. He is expected to know its letter and spirit.
“Bloggers, particularly those identified with the government of the sick crazy old man, are not accountable for their works. Suspended lawyer Trixie Cruz has made that admission in an interview in with Karen Davila. There’s no law that stops or sanctions bloggers from dishing out fake news. No matter how vicious, a blogger could not be held accountable because as Cruz has expounded and stressed that no law sanctions those pro-government bloggers.
“My take is that journalists could be likened to medical doctors who have studied hard for their chosen career, paid tuition, underwent training, and are required to follow the Hippocratic Oath. They face sanctions if they commit medical malpractices. Those pro-government bloggers like Mocha, Stinking Pinoy, among others, are like quack doctors, who are not responsible even when their hapless patients die due to their illegal practice of medicine. They have no code of ethics to subscribe and follow.”***
***
Email:bootsfra@yahoo.com