Advertisers
NANGUNA sina Manila Mayor Isko Moreno at German Ambassador to the Philippines Anke Reiffenstuel sa unveiling ceremony sa ‘Berlin Wall Fragment 22’ na matatagpuan sa Bonifacio Shrine, Lunes ng umaga.
Kasama nina Moreno at Reiffenstuel sa pagpapasinaya sa ‘Fragment 22’ sina Manila Vice Mayor Honey Lacuna at National Museum director Jeremy Barns.
Nabatid na ang Fragment 22 ay idinonate ng Berlin city government ng Germany, sa Pilipinas noong 2014, kasabay ng ika-25 anibersaryo ng pagbagsak ng naturang pader.
Dati itong nakalagay sa National Museum ngunit kalaunan ay inilipat sa Bonifacio Shrine.
Matatandaang ang Berlin Wall, na naghihiwalay sa East at West Germany, ay bumagsak noong Nobyembre 9, 1989 sa isang mass protest.
Ang mga fragments ng pader ay ipinadala naman ng Berlin city government sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Natukoy na ang Fragment 22, na may taas na 3.65 metro; lapad na 1.2 metro; at bigat na 2.8 tonelada, ay inilaan para sa Pilipinas.
Tinatawag itong “Mauerteil” at itinuturing na ika-22 sa may 40 seksiyon ng pader. (Andi Garcia)