Advertisers
UMAARAY pa rin ngayon [tulad ng dati] ang mga magsasaka ng sibuyas o magsisibuyas dahil sa pagpasok ng mga inangkat na sibuyas sa ating bansa makaraang payagan ito ng ating Pangulo.
Sa pagdating kasi ng mga sibuyas mula sa ibang bansa ay sinasabing biglang sumadsad naman ang presyo nito mula sa tinatawag na ‘farmgate’ kung saan nagaganap ang pagbebenta ng mga magsisibuyas.
Anak ng… noong tumaas ang presyo ng sibuyas na halos dinaig pa ang halaga ng ginto ay reklamo ang inabot ng gobyerno mula sa ating mga kababayan kabilang na ang sektor ng mga magsisibuyas.
Umaksiyon ang gobyerno para tugunan ang problemang ito na ginawa na [nga] katawa-tawa ng iba hanggang sa ngayon subalit ito na naman ang hindi maubos na reklamo pa rin sa bentahan ng sibuyas na iyan.
Sa pagtataya ng gobyerno ay pababa na an g presyo ng sibuyas mula nang aprubahan ang pag-aangkat nito pero ang magsisibuyas noon na may reklamo sa presyo ay siya na naman ang may reklamo pa rin sa presyo ng sibuyas.
Ang tawag diyan ay sala sa init, sala sa lamig! Kung ganyan din lang ang mangyayari sa tuwing aaksiyon ang gobyerno ay tiyak na mahihilo na ang mga taong gumagawa ng paraan para tugunan ang mga ganitong problema ng bansa.
Basta ang alam ng EKSPERTO ay walang nagawa ang magsisibuyas noong kasagsagan ng walang humpay na pagtaas sa presyo ng sibuyas kung saan ang dahilan nila ay mataas magbenta ang mga taong bumibili sa kanila sa ‘farmgate’.
Ngayong nariyan na ang mga inangkat na sibuyas ay reklamo [na] naman ang mga magsisibuyas dahil binabarat na sila ng mga bumibili sa ‘farmgate’ na dati rin naman binibili sa kanila ng mababa pero binebenta ng sobrang taas ng presyo.
Dapat [daw] sana ay pagkakataon na ng mga magsisibuyas na gumanda ang benta sa loob ng maraming taon nilang pagkalugi kung hindi sana pinayagan ng Pangulo ang pag-angkat ng sibuyas.
O, di ba… nahilo na pati ang sibuyas sa hindi maubos na reklamo sa kanyang presyo? Kung makapagsasalita lang ang sibuyas natin sa isyu na ito, ano kaya sa palagay ninyo ang kanyang magiging komento rito?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com