Advertisers
INIHAIN ni ACTI-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap ang isang panukalang batas na layong alisin na ang height requirement para matanggap sa trabaho.
Sa ilalim ng kanyang House Bill 7740 o Anti-Height Requirement law na layong bigyan ng level playing field o patas na pagkakataon ang mga kulang sa height upang makapag-apply sa mga nais nilang trabaho.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat nasusukat sa height ng isang tao ang kakayahang mag-trabaho.
Mayroon aniya kasing mga trabaho na hindi naman kailangan ng tangkad tulad ng mga receptionist o waiter sa mga hotel at restaurant, sa mga opisina, sa barko o eroplano.
Dagdag pa nito na lahi naman nating mga Pilipino na hindi matatangkad kaya’t panahon na upang alisin ang height requirement upang hindi na kailangan pang ma-disqualify ang isang aplikaante dahil lang sa hindi nito naabot ang height requirement ng kumpanya o ahensya.
Nito lamang Setyembre nang ipasa ng senado ang panukala para sa pagbababa ng minimum height requirement para sa mga uniformed personnel sa PNP, BFP, BJMP, BuCor. (Henry Padilla)