Advertisers
NANINIWALA ang 34% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino na mas bumuti ang kalidad ng kanilang buhay sa huling quarter ng 2022 kumpara noong nakaraang taon batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS).
Isinagawa ang naturang survey mula Disyembre 10 hanggang 14, kung saan nasa 26% naman ang nagsabing nadama nila na mas lumala pa ang kalidad ng kanilang buhay kumpara noong 2021 habang 39% ang naniniwala na ito ay nanatiling pareho.
Tinukoy din ng SWS na 10 puntos pa rin na mas mababa ang bilang sa pre-pandemic level na “very high” +18 na naitala noong Disyembre 2019.
Tinawag ng SWS ang terminong “gainers” para sa mga naniniwalang bumuti ang kalidad ng kanilang buhay, “losers” para sa mga nagsabing lumala pa ang kanilang buhay at “unchanged” para sa mga nagsabing nananatiling pareho ang kalidad ng kanilang buhay.
Isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interview ang naturang survey sa 1,200 adult Filipino sa buong bansa.
Mayroon itong margin ng error sa sampling na ±2.8% para sa national percentage.