Advertisers
ANG implementasyon ng executive order ni Manila Mayor Isko Moreno na nag-uutos ng free RT-PCR (real time-polymerase chain reaction) mass testing sa publiko lalo na sa mga araw-araw na nai-expose at unti-unting nag-a-adapt sa pandemya upang mabuhay, ay simula na ngayon (October 6).
Sinabi ni Moreno na nag-report sa kanya si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje na ang kanyang tanggapan ay layong makapagsuri ng may 300 public utility drivers kada araw, lalo’t ang dami ng mga drivers sa lungsod ay nasa kabuuang minimum na bilang na 24,000. Ito ay pawang drivers ng pedicabs, tricycyles, jeepneys at e-trikes.
Idinagdag pa ng alkalde na base sa plano, ang grupo ni Viaje ay personal na magpupunta sa mga tinakdang terminal o pilahan ng PUV upang matiyak na masusuri ang lahat.
Sa EO 39 ni Moreno, sakop din ng libreng mass swab testing ang mga empleado ng malls, hotels, restaurants, supermarkets at vendors sa public market.
Ang kautusan ay ibinaba matapos na pasinayaan nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna noong isang linggo ang ikalawang RT-PCR (real time-polymerase chain reaction) molecular laboratory sa Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ni Dr. Grace Padilla, kung saan may 1,000 katao ang maaring masuri araw-araw. Ito ay de hamak na mas mataas ang kakayahan kumpara sa naunang laboratoryo ng lungsod na matatagpuan din sa parehong ospital, na mayroon lamang kakayahan na magsuri ng 250 hanggang 300 kada araw.
Sa kanyang EO, sinabi ni Moreno na upang maibsan ang pangamba na mahawa o magkaroon ng COVID-19, kailangan na mabigyang katiyakan ang publiko na ang mga empleyado ng mga madalas na pinupuntahan na establisiyemento ay COVID-19 – free at tiyak uusbong at sisigla ang galawang ekonomiya.
“To attain this objective without necessarily adding burden to the already struggling business sector, the city finds it imperative to provide the employees of these establishments with free RT-PCR testing as the city’s proactive initiative in balancing health and economy for the general welfare of Manileños,” sinasaad sa EO.
Sa kanya pa rin EO, sinabi ni Moreno na ang Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan ang naatasang magbigay ng libreng RT-PCR testing sa koordinasyon nina Business Promotion and Development Office chief Levi Facundo, Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) head Charlie Dungo at Viaje para sa pagbuo ng mechanics upang epektibo at episyenteng maipatupad ang nasabing mass testing.
Sa kaso nina Facundo at Dungo, sila ay naatasan ding i-require ang mga establisiyemento na kanilang nasasakupan na mag-fill up ng mandatory health declaration form para sa contact tracing. (Andi Garcia)