Advertisers
Hindi kaalyado sa politika ang nanalong CITY MAYOR kaya halos walang inilaang pondo para sa panunungkulan; subalit naging mapamaraan pa rin si COUNCILOR JANA EJERCITO sa pag-asiste hindi lamang sa DISTRICT 2 na kaniyang nasasakupan kundi maging sa halos lahat nilang constituent sa SAN JUAN CITY.
Ang sitwasyon pala nitong si COUN. JANA E. ay iisa lamang ang kaniyang staff sa kaniyang opisina na pinasusuwelduhan ng kanilang CITY GOVERNMENT sa halagang P10,000 kada-buwan…, na aniya ay hindi naman nila kakayaning 2 ang trabaho sa kaniyang opisina kaya kumuha ito ng mga dagdag na empleyado para sa opisina niya at ang suweldo o allowance ng mga ito ay hindi nagmumula sa kanilang PAMAHALAANG LUNGSOD kundi ito ay sariling pinansiyal na ng nasabing KONSEHALA.
Binubuo ng 12 COUNCILORS ang naturang CITY GOVERNMENT na noong una ay mas marami ang bilang ng mga nanalong hindi kapartido ng nanalong CITY MAYOR.., pero kalauna’y lumipat na sa partido ng kasalukuyan nilang MAYOR.., yun ay upang hindi magipit ang mga ito sa aspeto ng budget. Siyempre nga naman kung walang budget e problema ang pampasuweldo sa mga staff ng kani-kanilang mga opisina.
Sa kasalukuyan ay 4 na COUNCILORS na lamang ang rumerepresenta bilang MINORITY GROUP.., na ang mga ito ay nilaanan lang ng tig-iisang STAFF na pinapasuwelduhan ng P10K kada-buwan.., tsk-tsk-tsk, ganito rin kaya sa ibang mga CITY GOVERNMENT?
Gayunman, ang sitwasyon ni COUN. JANA E. ay hindi naging hadlang at sa halip ay ginamit nito ang lahat niyang pamamaraan.., kaya naman, ang mga programa niyang pamimigay ng mga relief goods, mga gamit pamproteksiyon laban sa COVID-19 at mga kagamitang pang-estudyante ay nagagawa nito ang pamimi-gay lalo na sa kapos-palad nilang mga constituent.., siyempre matagumpay na nailulunsad ang mga programa niya sa suporta ng kaniyang mga kaibigan at negosyanteng laging handa at nagtitiwala sa kaniyang mga advocacy.
Tulad sa epekto ng pandemya na hirap pa rin sa pampublikong transportasyon ay pinagtuunan nitong si COUN. JANA E. na mabigyang katulungan ang mga mahihirap nilang constituent na nagsisikap makapagtrabaho sa paraang pagbibigay ng FREE BIKE sa kanilang lungsod.
“Namimigay kami ng free bikes ngayon, kasi ngayong pandemic marami ang nahihirapang pumunta sa trabaho.
So pina-prioritize namin yung mga bread winner at saka mga indigents.
As of now, we have 110 bikes already na ipapamigay at pinipili namin yung mga deserving na bibigyan ng bike, kailangan bread winner saka may certificate of indigency. Nagha-house to house kami to give help to the people lalo na ngayon maraming nawalan ng trabaho at hindi lamang po sa kadistrito ko kundi sa buong San Juan e binibigyan namin ang walang kakayanang makabili ng bisikleta,” pahayag ni COUN. JANA E. nang makapanayam ito ng ARYA.
Ang proyektong ito ng naturang KONSEHALA na “DONATE A BIKE, HELP A FAMILY SURVIVE” ay hindi galing sa pondo o kaban ng kanilang lungsod kundi ito ay pinasimulan niya sa pag-donate ng 5 BIKES at inasistehan na siya ng kaniyang mga kapamilya at mga kaibigan para sa pagsusulong ng LIBRENG BISIKLETA sa mga hikahos nilang constituents upang may magamit sa pagpasok sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuan!
MANDALUYONG CITY STUDENTS
LIBRENG TABLETS!
Masuwerte ang mga esyudyante sa mga pampublikong paaralan ng MANDALUYONG CITY dahil sa mahusay na liderato ni CITY MAYOR MENCHIE ABALOS ay magkakaroon ng libreng tablet na magiging pag-aari na nila bilang gamit sa DISTANCE LEARNING EDUCATION.
May kabuuang 41,000 TABLETS ang ipamamahagi sa mga mag-aaral mula GRADE 4 hanggang GRADE 12, na kung halimbawang may 3 o 4 na mga bata sa isang pamilya ang nagsisipag-aral ay tig-iisa ang makukuha ng mga ito at magiging pag-aari na nila. Sakaling magkaroon ng diperensiya o sira ang kanilang tablets ay mayroon silang mapagdadalhang pagawaan na libre ang pagpapaayos.
Sa simpleng seremonya kahapon sa MANDALUYONG CITY HALL para sa programang “Balik e-skuwela na, classhome pa” na pinaglaananan ng CITY GOVERNMENT FUND na P557 milyon ay sinuportahan ito ng buong KONSEHO at ni CONG. NEPTALI GONZALES. Naging panauhin si EDUCATION UNDERSECRETARY TONISITO UMALI na pinuri ang proyekto ng naturang lungsod dahil maging ang school uniforms, sapatos at medyas ay libreng pagkakalooban ang mga mag-aaral mula KINDERGARTEN hanggang GRADE 12.
Bilang paggunita sa WORLD TEACHERS DAY kahapon ay may kabuuang 2,300 naman na mga LAPTOP ang ibibigay sa lahat ng TEACHERS, PRINCIPALS at SUPERVISORS sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa naturang lungsod.., na ang mga LAPTOP ay libreng ipamamahagi sa mga guro na magiging pag-aari na nila ang mga ito.
“Mahirap pang bigyan ng tablet ang mga nasa Kinder hanggang Grade 3.., baka dun na lang sila makonsentra, kailangan matuto munang magsulat ang mga bata. Yung mga laptop naman ay libreng ibibigay sa lahat ng mga guro at maging pag-aari na nila iyon.., hindi na pababayaran pa o pahuhulugan pa dahil hirap din sila sa pangpinansiyal,” pahayag ni MAYORA ABALOS.
Iba talaga ang magaling na lider tulad ni MAYORA ABALOS na sinsero ang pag-asiste sa kaniyang mga nasasakupan.., at maraming TEACHERS sa iba’t ibang siyudad ng NATIONAL CAPITAL REGION ang napapabuntong-hininga kasunod ang usal na “SANA GANUNDIN ANG MAYOR NAMIN TULAD SA MANDALUYONG CITY,” na ayon sa mga TEACHER na nag-text sa ARYA ay pahiram lang daw ang mga tablet at laptop sa mga estudyante na kung masisira ay babayaran pa ito ng mga magulang at maging sa pagre-reproduce ng SELF LEARNING MODULES na ibibigay sa mga mag-aaral ay kargo pa umano ng mga guro ang paimprenta.., samantalang sa MANDALUYONG CITY ay FREE MODULES na hindi na nagproblema pa ang mga guro!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.