Advertisers

Advertisers

Lilipas ang Pasko, narito pa rin ang pandemya

0 316

Advertisers

Hindi mailagay ang kamaynilaan sa mas maluwag-luwag na level ng quarantine na MGCQ o Modified General Community Quarantine dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus na nakamamatay na COVID-19.

Ayon nga sa mga eksperto, kahit na nakakakita na sila ng pagbagal ng hawaan ng virus, ay may indikasyon pa rin na ang panganib ay nagpapatuloy pa at maaaring lipasan pa nga ang panahon ng kapaskuhan.

Ang mga ospital natin kasi kabilang na ang mga isolation facilities ng mga lokal na pamahalaan ay puno pa rin ng mga pasyenteng may COVID-19.



Noon ngang magtangka na luwagan ang social distancing sa pagbawas sa isang metrong dapat na distansiya ng bawat tao sa anumang lugar ay pumalong bigla ang bilang ng mga nagkahawaan.

Kaya ingat na ingat na ang pamahalaan na payagang makabiyahe na ang lahat na pampublikong sasakyan at bawasan muli ang sukat ng social distancing lalo na’t pinayagan na ang ilang biyahe ng mga bus sa ilang mga lalawigan o probinsiya.

Dagdag pa ng mga eksperto, na kailangan dagdagan din pa ang mga pasilidad, yaong mga health care facilities na tinatawag upang makalaban tayo sa virus na nakamamatay.

Hindi naman lingid sa inyo na ayon sa isang survey, marami pa rin ang may pangambang mahawaan ng COVID-19. Nangangahulugan, alam na ng karamihan sa atin na ang virus ay nariyan pa rin at magtatagal ito hangga’t wala pang bakunang madidiskubre para labanan ito.

Medyo kakaiba ang Paskong darating, dahil ang lahat ay mag-iingat pa ring magsalo-salo upang di magkahawaan o magkaroon ng COVID-19. Kung sa bagay, hindi lang naman sa salo-salo ipinagdidiwang ang pagsilang ng Maykapal o ni Hesus na ating manunubos. Marami pang paraan. Una na rito ang pagbibigayan.



Tumalima na agad sa ganitong sitwasyon si Quezon City Mayor Joy Belmonte na agarang nag-utos na ipagpaliban muna ang mga “office party”. Ang buo ngang pwersa ng mga empleyado ng city hall aniya ay wala munang Christmas Party, kaya dapat ang mga departamento at iba pang mga opisina ay sumunod din na hindi magpa-party.

Ang katwiran ni Mayor Joy ay maganda naman, ang gagamiting pondo raw sa sana’y pagpa-party-party ay ido-donate na lang sa mga kapus-palad na siyang naghihirap sa panahon ngayon ng pandemya.

“Ang diwa ng Pasko ay pagmamahal at pagtulong sa kapwa. Mas mahalaga ito kaysa sa anumang uri ng pagdiriwang,” ang paliwanag ng Mayora.

Tama naman siya, palipasin natin ang kapaskuhang darating at ipagdiwang muna ito sa talagang kahulugan ng pagsilang ng dakilang manunubos – ang pagmamahalan. Ang pinaka-mahalaga gawin pa rin natin ang tamang pag-iingat dahil lilipas ang Pasko pero ang COVID-19 ay narito pa rin.