Maynila, ready na sa Chinese New Year – Mayor Honey
Advertisers
HANDANG-HANDA na ang Maynila sa pagdiriwang ng Chinese New Year ngayong weekend.
Ito ang inanunsyo ni Mayor Honey Lacuna, na nagsabing maliban sa mga nakalatag na activities ng city government sa koordinasyon ng iba’t-ibang Chinese-Filipino organizations, ay iniulat din ni Manila Police District Director PBGen. Andre Dizon na naglatag na rin ang MPD ng mga security measures partikular sa mga lugar kung saan gaganapin ang mga activities kaugnay ng pagdiriwang ng Chinese New Year.
Binigyang direktiba rin ni Lacuna ang ilang police personnel na nakatalaga sa mga lugar na dadagsain ng mga Chinese-Filipino bilang bahagi ng pagdiriwang ng Chinese New Year.
Sinabi ng lady mayor na ang pagpapatupad ng minimum health protocols kaugnay ng patuloy na umiiral na pandemya ay ipinapayo.
Ayon pa kay Lacuna, ang pagsusuot ng face masks kung saan mahirap gawin ang physical distancing ay mahigpit na iminumungkahi upang maiwasan ang transmisyon ng COVID-19 virus, lalo na at mayroon pang mga aktibong kaso sa kasalukuyan.
Pinakikilos din ng alkalde ang mga city government departments, bureaus at tanggapan pati na ang mga city-run hospitals sakaling kailanganin ang kanilang serbisyo.
Ang pagdiriwang ngayong taong ito ang kaunahan simula ng pandemya. Ito ay tatampukan ng pagdaraos ng grand parade, dragon at lion dances, kung saan ang Chinatown sa Ongpin ang siyang sentro ng mga pagtitipon.
Magsisilbing highlight ng okasyon ang grand fireworks display sa new Filipino-Chinese Friendship Bridge sa Intramuros sa ganap na 11 p.m. sa January 21, bisperas ng Chinese New Year na papatak ng January 22, 2023. (ANDI GARCIA)