Advertisers
UMABOT sa 102 Overseas Filipino workers na umano’y nakaranas ng matinding ‘kalbaryo’ sa kamay ng kanilang employers ang pinauwi ng Department of Migrant Worker’s (DMW)-Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) pabalik sa bansa.
Animo’y nabunutan ng tinik sa lalamunan at gumaan ang pakiramdam nang dumating alas-6:20 ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang mga pinahirapan nating kababayan na sinundo ni OWWA Administrator Arnaldo A. Ignacio lulan ng Emirates EK flight 336 mula Kuwait.
Noong Enero 15, 2023, lumipad patungong Kuwait sina Administrator Ignacio at DMW Undersecretary Hans Leo J. Cacdac upang talakayin sa kanilang mga Kuwaiti counterparts ang mga usapin para sa kaligtasan at proteksyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait.
Bahagi ng kanilang misyon ang ayusin ang agarang pagpapauwi sa mga distressed OFW na nananatili sa Migrant Workers Office (MWO) ng naturang bansa.
Sa matagumpay na pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Kuwait, sa Embahada ng Pilipinas at sa MWO- Kuwait, agad na naproseso at nailabas ang mga exit visa at travel documents ng mga distressed OFW.
Noong nakaraang Enero 17, bumalik si DMW Underscretary Cacdac kasama ang 60 distressed OFWs.
Pagdating sa airport, nakatanggap ng cash assistance mula sa OWWA ang mga repatriated OFWs na nagkakahalaga ng Php 10,000.00 bawat isa. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)