Advertisers
NAARESTO ng mga elemento ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP- AKG) ang lalaking nagsisilbing contact, tipster at spotter ng Abu Sayyaf Group sa isinagawang operation sa Makilala, North Cotabato.
Kinilala ang nadakip na si Jerome A. Balasi ng Sitio Lucas, San Vicente, bayan ng Makilala.
Ayon sa ulat, 6:00 ng gabi nang madakip ng mga elememto ng PNP -AKG Mindanao Field Unit Iligan Satellite Office at Cotabato Satellite Office ang target sa pinagtataguan nito Purok 9, Sitio Lucas.
Inaresto si Balasi sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Jose Rene S. Dondoyano, Presiding Judge ng RTC Branch 6, ng 9th Judicial Region, Dipolog City,
Sa report, nagsisilbi si Balasi bilang local contact, tipster at spotter ng teroristang ASG na responsable sa serye ng kidnapping sa Mindanao at mga kalapit na shore lines sa lalawigan, na ang pangunahin target ay pawang dayuhan turista.
Sangkot din si Balasi sa pagkidnap sa isang Brgy. Chairman Rodolfo Boligao at dalawang miyembro ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Alicia Island noong May 4, 2015, at sangkot din ito sa serye ng gun for hire, robbbery extortion sa Dipolog City.
Dinala na si Balasi sa Makilala Police Station para booking procedure at imbestigasyon. (Mark Obleada)