Advertisers
HINDI tayo kontra sa pag-recycle ng Marcos administration sa ilang opisyal na nagsilbi na sa mga nakaraang administrasyon.
Pero hindi ba mas maganda kung bagong mukha naman ang ilagay sa puwesto? Bagong mukha, bagong pag-asa ika nga.
Nitong nakaraang linggo, dalawang dating miyembro ng gabinete ni ex-President Rody Duterte ang kinuha uli ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. Sina retired AFP Chiefs Carlito Galvez at Eduardo Ano.
Si Galvez, 60 anyos, ay nagsilbing Presidential Adviser on the Peace Process at naging head din ng National Task Force against Covid-19.
Ipinuwesto siya ni PBBM bilang kalihim ng Department of National Defense (DND), kapalit ng nagbitiw na si Jose Faustino, Jr., isa ring retired AFP Chief.
Kasunod nito ay kinuha uli ni PBBM ang serbisyo ng dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary ni Duterte na si Ano, 61, para National Security Adviser, kapalit naman ng nagbitiw ding political analyst na si Professor Clarita Carlos.
Dapat narin talaga palitan si Carlos dahil 76 anyos na ito at ‘di epektib para sa NSA.
Parehong bright boys sina Galvez at Ano, mga respetado, hindi matatawaran ang kanilang kakayahan. Pero mas maige kung ibang utak at mas bata ang ilagay sa mga naturang posisyon. Pagpahingahin na itong retired generals at nakapagsilbi narin sa gabinete ng nakaraang administrasyon. E-enjoy nalang nila ang kanilang pension at nalalabing tigas sa mundong ito. Mismo!
Sabi ni PBBM, gusto niya ay mga bagong mukha ang ilalagay sa kanyang administrasyon, pero bakit nire-recycle n’ya lang ang mga dating miyembro ng gabinete ng nakaraang administrasyon? Laban-bawi na desisyon.
Pati sa pagtalaga ng AFP Chief, ibinalik din ni PBBM ang “bata” ni Duterte na si Lt. General Andres Centino na kanya nang sinibak noong August 8, 2022, samantalang marami namang multi-awarded military generals dyan na puwedeng puwede sa liderato ng militar.
Sino kayang nagbulong kay PBBM na ibalik sa puwesto si Centino? Umugong tuloy ang “destabilization” plot.
Anyway magreretiro narin si Centino sa Pebrero, pagsapit niya sa mandatory age ng retirement at 56. Posibleng kunin din siya ni PBBM sa gabinete lalo’t isa rin itong “Waray”, kababayan ng kanyang ina, ex-First Lady Imelda Romualdez-Marcos. Pero mas okey kung iba naman.
***
Nasa 50 nalang na opisyal ng PNP ang hinihintay na magsumite ng “courtesy resignation” para sa pagpapakinis ng administrasyon sa hanay ng pulisya sa iligal na droga.
Tatlo raw sa 256 opisyal na nagsumite ng resignation ay nagretiro na, pero sasalain parin ang rekord ng mga ito, at kapag napatunayang sangkot sa iligal na droga ay kakasuhan ang mga ito.
Ayon sa aking bubuwit, ang ilang opisyal na pinagdududahang sangkot sa kalakalan ng iligal droga ay nakapagsumite narin ng resignation.
Lima katao, na kinabibilangan ng retired generals, ang magrerebyu sa mga courtesy resignation. Ito raw ay sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ex-Senator Ping Lacson, Nicanor Bartolome at Magtanggol Gatdula.
Ang mga heneral namang sangkot raw sa droga ay may initials MA, RM, RR, RP. Kilala nyo ba sila, mga pare’t mare?