Advertisers
MARAHIL may “hangover” ang marami matapos ang Pasko at Bagong Taon. Sa unang putok ng kolum ko para sa 2023, iibahin ang posisyon ko sa pag-upo sa Tayantang, at tatalakayin natin ang paksang kaugnay sa kabobohan. Humihingi ako ng paumanhin lalo na sa ayaw makarinig ng salitang “bobo,” subalit napipinto ito matapos ang isang masalimuot na 2022. Sa ingles, ang salitang “bobo” ay “stupid.” Ito’y pang-uri na nangangahulugan ng kawalan ng katalinuhan, o sentido kumon. Sa pag-aaral na isinagawa ni Carlo M. Chipolla, isang manunulat at historyador, bumuo siya sa kanyang pagsasaliksik, noong 1977 ng “Five Basic Laws On Stupidity” o Limang Pangunahing Batas Tungkol sa Kabobohan.
Ang una, “Everyone underestimates the number of stupid people.” Sa Tagalog, binabale-wala ng karamihan ang bilang ng mga bobo. Base sa pag-akala na mababa ang bilang ng taong bobo ang nakakahalubilo. Sa isandaang tao, akalain natin dalawampu sa kanila ang may katangian ng kabobohan, o hindi bobo. Mali ito dahil mas mataas ang bilang. Sa salita ng yumao kong ama “assume nothing.” Huwag magpakasiguro dahil marami ang namamatay sa akala. Halimbawa: Namatay siya dahil inakala niya ang itinutok at kinalabit niyang baril ay walang bala. Ano ba kung tingnan muna kung may naka-buslong bala bago niya ito itutok sa sentido.
Ang pangalawa ay “The probability that a certain person is stupid is independent of any characteristic of said person”. Sa Tagalog, ang katiyakan na bobo ang isang tao ay hindi natitiyak sa anyo, o galaw nito. Tama ulit sa sapantaha ng yumao kong ama at huwag magpakasiguro, dahil kahit may pinag-aralan ka, hindi ito nangangahulugan na hindi ka bobo. Halimbawa: Si Doktor Kagaw ay tanyag sa kanyang propesyon na batikang manggagamot, ngunit naniniwala siya na kaya pumunta si Ferdinand” Bongbong” Marcos Jr. sa Tsina, ay para makuha ang mahigit isang milyong toneladang Tallano Gold na na ipinatago niya doon. Ngayon batid natin na kahit mataas ang pinag-aralan ni Doktor Kagaw, bobo siya, dahil naniniwala siya sa ipinatagong isang milyong toneladang Tallano Gold sa bansang Tsina. Lalo na kapag sinuri mo at nalaman na humigit-kumulang 200,000 tonelada ng ginto ang namina sa buong kasaysayan ng mundo. Ay bobo nga.
Ang pangatlo ay “A stupid person is one who causes loss to another person or group of people while they gain nothing at all.” Siya ang pinakamapanganib sa lahat ng bobo. Itong klaseng bobo ang magpapahamak sa kapwa niya, na walang pakinabang sa kanya dahil dawit siya sa kapahamakan. Walang iba ito sa isang “suicide bomber na idadawit at ipapahamak ang maraming tao dahil sa paniniwala niyang kapag ipinasabog ang taglay niyang pasabog, agarang pupunta siya sa langit at tatanggap ng ilang dosenang birhan dahil sila ay martir o “shuhada”. Heto nanaman tayo. Marami talaga ang namamatay sa akala. Iyong masidhi ang paniniwala at nandadamay pa. Halimbawa ang bumoto sa kandidato. Sa dami nilang bumoto dahil sa huwad na pangako, ibinoto pero sa kalaunan walang pagbabago sa kanilang estado sa buhay. Mahirap sa daga bago maghalalan, mahirap sa daga pagkatapos ng halalan. Iyon lang nandamay pa.
Ang pang-apat: “Non-stupid people underestimate the power of stupid people”. Dito ang pagbabalewala sa kabobohan ng ilang tao ng matino at matatalinong tao ang nagpapahamak. Ito rin ang dahilan kung bakit naglipana ang mga taong saklaw ng pangatlo sa pangunahing batas ng kabobohan Halimbawa.: Dahil mukhang maamong tupa at larawan ng kawalang-malay kaya hindi kinapkapan at pinapasok ng security guard ang “suicide bomber” sa MRT. ibaba ng konti sa lebel na maaarok: Natuwa ako ng labis sa tuta kaya hinimas ko ang ulo ng tuta. Bigla ako kinagat sa kamay kaya ayun panlima sa 17 ng anti-rabies ang napala ko. Ito ang dagundong ang boses ng tatay: “ASSUME NOTHING!!!.”
Panglima: “Stupid people are the most dangerous type of people.” Dahil sa kabobohan, ang uri ng mga taong ito, bagaman kadalasan may pinag-aralan, ay sarado ang pag-iisip sa kritikal na pasilidad sa pag-iisip. Naglipana sila. Halimbawa ang mga hindi naniniwala sa bakuna. Tutuldukan ko at ibibigay ang sikreto upang labanan ang kabobohan. Ito ang magbasa, magbasa, at magbasa. Kasapi tayo sa BAWAS-BOBO BRIGADE, ang brigada ng mga tumuklas ng karunungan. Dahil ito ang susi upang mapalakas at mapasigla ang gulugod ng sambayanan. Enero 9 pa lang. Maaga pa ang 2023. Maging maagap, maging marunong. Sabi ng yumaong ama ko, kahit sa etiketa ng patis makakapulot ka ng kaunting aral kaya magbasa tayo at matutong sumuri para mapalawig ang kritikal na pag-iisip, na kailanman hindi makukuha sa pagma-marites. Nawa’y may napulot tayong kakirampot na dunong dito sa abang kolum ko. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
NAPAWALANG noong Biyernes ng husgado sa Las Piñas ang drug case ni Juanito Remulla III, anak ni Jesus Crispin “Boying ” Remulla, kalihim ng katarungan ni BBM. Dinakip si Juanito IIIa noong ika 11 ng Oktubre, 2022, matapos tanggapin niya ang paketeng naglalaman ng kush sa isang “sting operation,” ngunit sinampahan siya ng kaso noong ika-14 ng Oktubre. Humarap sa hukuman noong ika-4 ng Nobyembre at napawalang-sala sa kaso noong ika-6, 2023. Sa pag-abswelto, mas marami akong tanong kaysa sagot. Maganda ang sapantaha ni Boy Baba, na itago natin sa pangalang Renato Reyes. Ani Boy Baba, mapipinto natin na ginawaran ng mabilisang paglilitis at pagkakataong magbigay ng kanyang panig ang anak ng kalihim ng katarungan, hindi tulad ng mga biktima ng EJK, at mga patuloy na nakapiit dahil sa maling paratang. Naisip ko tuloy ang dinaranas ng isang aleng itatago natin sa pangalang Leila De Lima.
***
Mga Harbat Sa Lambat: “GLITCH” is euphemism for complete breakdown, total paralysis of operations. Walang “medyo naparalisa.” Mayroon paralisado. Huwag tanga…” -Philip Lustre Jr.
“If you invite friends to visit your home and they experienced horrible parking conditions will they visit again? Not likely. That’s NAIA…” – Prof. Cesar Polvorosa Jr.
“An aviation fiasco is the last thing you can expect in a country where the DOTr secretary is supposed to be an aviation expert…” – Joey Berroya, netisen
“Kahit bilhin mo ang lahat ng bilog na prutas, kung binilugan mo naman noong Mayo ay mandurugas, araw-araw kang malas!…” –Anonymous
“Tinanggal na sa kantang “Bahay Kubo ang sibuyas…
Hindi na ito gulay at isinama na ito sa alahas… ”
-Alex Arellano
***
Wika-Alamin:
TAMBUBONG: Isa pang tawag sa silong ng bahay. Kapag ginamit sa pananalita: Malimit makikita ang mga “tambubong sa mga lumang bahay sa probinsya.
***
mackoyv@gmail.com