Advertisers
Ilang araw nang mapatay sa police operation sa Negros Occidental ang Cebu drug personality na si Jennifer Mercader, nakita naman ang bangkay ng kaniyang asawa sa isang hukay sa tubuhan at hinihinalang pinagsamantalahan pa.
Sa ulat, napatay nitong Lunes sa operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Minoyan, Murcia, Negros Occidental si Mercader.
Nadakip at nakulong si Mercader sa Cebu noong 2018 pero nakatakas noong 2019 at nagtago sa Negros.
Nitong Miyerkules, isang bangkay ng babae ang nakitang nakalibing sa kawayanan sa Barangay San Miguel, La Carlota City sa nabanggit ding lalawigan.
Nakita sa hukay ang ilang gamit ng biktima tulad ng damit, relo at pendant.
Kinalaunan, kinilala ng mga kaanak ang bangkay na si Juliet Mercader, asawa ni Jennifer.
“Yung ang mga factor na ating tinitingnan parte sa anggulo ng illegal drug activities, pati yung rape na rin tapos yung sa robbery,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Jonel Guadalupe, hepe ng La Carlota City police.
Dagdag pa ni Guadalupe, hihintayin nila ang resulta ng post- mortem examination sa bangkay ng biktima at makabubuti rin umano kung isasailalim ito sa awtopsiya para malaman kung ginahasa ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.