Advertisers
ARESTADO ang limang Vietnamese national nang i-hostage at pagbayarin ng P250,000 ang isa nilang kababayan at muling tangkain na kikilan ito sa Makati City noong Martes.
Naaresto sa entrapment operation sa Leviste St., Salcedo Village, Barangay Bel-Air, Makati City 1:30 ng tangahali sina Thai Huy Tuan, 28; Phan Huu Dat, 25; Nguyen Ly Huynh, 30; Phan Van Tranh, 28; at Tran Trung Tuyen, 34.
Nag-ugat ito sa reklamo ni Do Mahn Tuan, na pinigil ng mga salarin sa VIP room ng Yakale Restaurant sa Yakal St., Barangay San Antonio, Makati City noong Disyembre 22 at pinalaya lang nang magbigay ng P250,000 cash.
Nitong Lunes, tinawagan umano siya ng mga salarin at humihingi ng P100,000 sabay nagbanta na dudukutin ang pamilya nito ‘pag tumanggi siyang magbigay ng pera.
Dahil dito, dumulog ang biktima sa Makati City Police Station, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.