Advertisers
NAGKAISA ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Grab Philippines na pahusayin ang serbisyo ng transportasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay.
Ang partnership na tinaguriang “ Airport to Anywhere” (ATA) pilot program ay naglalayon na unang mag-deploy ng dedikadong fleet ng 200 Grab accredited na sasakyan para serbisyohan ang tumaas na demand para sa mga transport vehicle sa nasabing paliparan.
Ayon kay MIAA Public Affairs Office (PAO) Chief Consuelo ‘Connie’ Bungag, maaaring i-book ang ATA sa pamamagitan ng Grab mobile app na may nakapirming pagprepresyo batay sa lokasyon ng pagbaba at walang surge charges.
Sinimulan ni MIAA General Manager Cesar Chiong ang pakikipag-usap sa Grab Philippines noong Setyembre at nagpahayag ng kagalakan na sa wakas ay natupad na ang partnership. “ We explored this partnership as part of our preparations for the Christmas season. We thank Grab Philippines and the LTFRB for joining hands with us in the interest of our air riding public.” Ani GM Chiong
Batay sa record, ang buwanang dami ng pasahero ng NAIA noong nakaraang buwan ay umabot sa 3.1 milyon o 229% na pagtaas kumpara sa mga numero para sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang MIAA Management ay nag-tap sa Grab Philippines upang magdagdag sa kanilang airport vehicle fleet. Gayunman, inaasahan ng MIAA na mas matindi ang pagtaas ng trapiko ng pasahero simula ngayong Disyembre 16 pagdating ng mga nagbabakasyon na kababayan o turista mula sa ibang bansa. (JOJO SADIWA)