Advertisers

Advertisers

ANG KALAWANG SA MANILA CITY HALL!

0 332

Advertisers

Grabe ang nakarating sa ating sumbong mula sa mga public transport drivers na bumibiyahe diyan sa lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Mayora Honey Lacuna.

Talamak di umano ang pangongotong na ginagawa sa kanila ng isang alyas JACK na kilala ng lahat ng mga traffic enforcers ng Maynila.

Ang siste o raketa ng JACK na ito ay pakuhain ng stickers sa Manila City Hall ang mga drivers at operators ng mga public transport na pumapasok ng lungsod.



Ito ang magiging proteksyon ng mga drivers upang hindi hulihin ng mga traffic enforcers.

Ilalagay ang sticker sa isang parte sa wind shield ng mga jeepneys, bus, UV Express at mga tricycles.

Walang bayad ang pagkuha ng sticker sa city hall pero ang mabigat dito, bente pesos (P20) kada araw ang butaw na hinihingi sa mga pampublikong sasakyang may sticker.

Sumahin po natin ito at halimbawang nasa limang libong (5K) pampublikong sasakyan ang bumibiyahe sa lungsod ng Maynila on a daily basis, mantakin mong halaga ang koleksyong nahahakot sa araw-araw!

Magkano po ang aabutin sa loob lamang ng isang buwan?



Wala po itong resibong iniisyu sa mga drivers at operators na tuwing araw ng Biyernes nagbabayad ng tinaguriang “butaw”.

Sa simpleng Arithmetic , hindi na natin kaya pang maarok kung magkano nga bang halaga ang direktang napupunta sa bulsa o lukbutan ng mga tinaguriang Diyos diyan sa Manila City Hall.

Itong si alyas JACK umano ang pasimuno ng mga katarantaduhang ito na nagmamayabang na “SUPER BAGYO” at malapit na tauhan umano ni Mayora Honey.

Ano naman ang nangyayari doon sa mga public transport vehicles na walang “stickers” na bumibiyahe rin sa lungsod ni Mayora Honey Lacuna?

Ang mga kaawa-awang drivers na ito na walang sticker ang mga ibinibiyaheng saksakyan ang paboritong “pulutan” ng masisibang traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Hindi lamang po basta tinitikitan ng kanilang traffic violation ha, ini-impound pa ang mga sasakyan at dinadala sa impounding area diyan sa may Central Market.

Grabeng perwisyo po talaga ang inaabot ng mga kaawa-awa nating mga kababayang drivers diyan sa Maynila kapag di ka nakikisama sa “vertical” na diskarte nitong kupal na si alyas JACK! .

Hindi pa po daw kasali dito ang butaw na ibinibigay ng mga tsuper at operators sa mga “designated terminals” gaya ng sa Plaza Lawton na tinatarimahan naman ng mga bus at UV Express na biyaheng Cavite, Laguna at Batangas.

May ilan pang terminal gaya ng sa Plaza Sta. Cruz tapat ng lumang bangko, sa Pedro Gil at iba pang lugar sa Maynila.

Kung susumahing lahat, hindi bababa sa 10 milyong piso (P10M) kada buwan ang kabuang tong o butaw na nakokolekta sa mga drivers ng mga pampublikong sasakyang pumapasok sa lungsod ni Mayora Honey Lacuna ng Maynila.

Hindi pa kasama dito ang mga legal na penalties na may resibo na binabayaran sa pagtubos ng lisensiyang natitikitan at ang bayad sa mga nahihilang sasakyan na dinadala sa impounding area sa Central Market.

Malupit po sa dilang malupit ang umiiral na kabulukan sa ngayon diyan sa lungsod ng Maynila na ang pangunahing target ay ang mga tsuper na lumalaban ng parehas at nagtitiis na maghanapbuhay kahit ubod ng hirap ang pasada.

Tila kultura ng korapsiyon ang umiiral ngayon sa administrasyon ni Mayora Honey Lacuna diyan sa city hall.

Walang ipinadaramang kahit man lamang konting habag at awa sa ating maliliit na mga kababayang tsuper.

Sabi nga ng mga drivers na ito, mabuti pang mahuli ka sa ibang siyudad, ‘wag lang sa Maynila dahil nasa Maynila ang sangkaterbang “gutom na buwaya” na inaalagaan mismo ng lokal na pamahalaan.

Ano kaya ang masasabi sa isyung ito ni Mayora Honey Lacuna?

Intriga lamang nga ba ito ng kanyang mga kalaban sa pulitika o isang nagdudumilat na katotohanan.

May kasunod…

Abangan!

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com