Advertisers
ANG distribusyon ng tablets para sa mga estudyante ng pampublikong elementarya at high school sa Maynila ay inaasahang matatapos na sa linggong ito, bilang preparasyon sa pagbubukas ng klase sa Oct. 5.
Ito ang pahayag ni Mayor Isko Moreno, kung saan ang kanyang administrasyon ang siyang kauna-unahang tumugon sa panawagan ng Department of Education (DepEd) may tatlong buwan na ang nakakaraan, sa mga local government units na mag-adapt sa blended at distant learning.
Ayon kay Moreno, ang mga estudyante ng elementarya at high schools o mula Kindergarten hanggang Grade 12 ay pagkakalooban ng libreng tablets, bagama’t maantala ang tablets para sa mga estudyanteng nag-enroll ng late.
Napag-alaman na ang city government ay bumili ng kabuuang 137,210 tablets para sa mga estudyante at 11,000 laptops para sa mga teachers. Ang tablets ay mayroon ng SIM cards na mayroon na ring 10GB data allocation para sa buwanang gamit ng estudyante habang ang laptops sa mga teacher ay mayroon ng kasamang pocket wifi units.
Ayon kay Moreno, base sa rekomendasyon ng Manila Division of City Schools Superintendent Dr. Maria Magdalena Lim, ang pamimigay ng tablets ay kada household sa halip na kada estudyante.
“Mabibigyan ba lahat? Ang sagot, hinde. Ang solution ng DCS is bigyan bawat household o pamilya. Kung may isa o dalawa o tatlong students sa pamilya, pwede na maghiraman sila. Magkakaiba naman ang araw at oras ng klase. Bihira naman na me parehong Grade 1 sa isang pamilya,” ayon sa alkalde.
Base sa average na tatlong estudyante kada isang pamilya, ang kailangan lang ng pamahalaang lungsod na bilhin ay nasa 90,000 tablets pero minabuti niyang bumili ng sobra para mawala ang agam-agam ng mga magulang na hindi mabigyan ang kanilang anak.
Habang ang tablets ay pagsasaluhan ang gamit ng dalawa o tatlong estudyante sa isang household, ang karga nito na 10gb internet connection sa isang buwan ay kada estudyante naman ang bigay.
Sinigurado rin ng alkalde na ang mga late enrolees ay mabibigyan ng free tablets. Nabatid na may 27,000 estudyante ang late nag-enroll.
Ayon pa kay Moreno, ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat para tulungan ang mga estudyante at guro na makaagapay sa ‘new normal’ dahil magbubukas na ang klase.
Batid ni Moreno na kailangan ng mga guro at estudyante ng gadgets upang matulungan sila sa kanilang pagtuturo at pag-aaral, pero hindi lahat ay may kakayahang bumili nito kung kaya’t nagkaloob agad ng suporta ang pamahalaang lungsod.
Matatandaang naglaan ang city government ng pondong mahigit na P900 million para sa pagbili ng 110,000 tablets at 10,000 laptops, at may karagdagan pang binili na 27,000 tablets para sa mga late enrollees. Ang mga gadgets ay magiging bahagi ng city properties at ibabalik ng mga estudyante kapag tapos na nilang gamitin upang mapakinabangan naman ng iba. (Andi Garcia)