Advertisers
IBA’T-IBA ang reaksyon ng local government unit (LGU), health authorities, iba pang awtoridad na may kinalaman sa pagpapatupad ng COVID-19 safety protocols sa EEI Corporation sa Bauan, Batangas at maging ng pamilya ng mga COVID positive, ngunit nagkakaisa naman ang mga ito na papanagutin ang may kasalanan kaugnay sa malawakang pagkalat ng nakamamatay na virus sa EEI fabrication yards sa naturang bayan.
Hiling ng mga nasabing sektor, ipasiyasat ni COVID Shield Task Force Commander Lt. General Guillermo Eleazar sina EEI Safety, Health, Environment and Security department Vice President Michael D. Arguelles at ilang mga opisyales at tauhan nito.
May dalawang Fabrication yards ang EEI, ang una ay sa Brgy. Sta. Maria at ang ikalawa ay nasa kanugnog naman na Brgy. Bolo, kapwa sa bayan ng Bauan, kung saan ay may tinatayang kabuuang 700 opisyales at empleyado ang nagsisipagtrabaho noong buwan ng Marso 2020.
Noong September 19, 2020 ay natuklasang may walong empleyado sa nasabing kompanya ang nagpositibo sa COVID-19, ngunit walang pangkagipitang aksyon na ginawa ang mga opisyales ng nabanggit na construction firm.
Kaya sa kasalukuyan ay may 300 na lamang ang mga empleyado ng kompanya ang nagsisipasok sa kanilang trabaho sa takot na dapuan din ng nakamamatay na virus.
Ang nakadidismaya pa ayon sa ulat ng LGU at barangay officials ay inilihim ng EEI Corporation ang pagkakaroon sa naturang yarda ng nakapamiminsalang COVID-19.
Kaya naman paglabag sa health protocols ng ilang EEI Corp. officials ang agad isinisisi sa pagkakahawa ng iba pang mga manggagawa.
Hanggang nito lamang ilang araw ang nakararaan ay nadiskubreng lumobo na sa 62 empleyado ng nabanggit na kompanya ang dinapuan na ng COVID-19.
Unang-unang naging tampulan ng sisi ang Safety, Health, Environment and Security department ng EEI Corporation na nasa ilalim nga ng pamumuno ni Arguelles.
Hindi raw ipinaalam ng mga tauhan ni Arguelles sa LGU, local Task Force Anti-Covid 19 at sa nakasasakop na barangay ang namamayaning sitwasyon sa mga compound ng nabanggit na yarda.
Naglagay na pala ng isolation facility sa loob ng yarda na di naman ipinaalam sa local task force at barangay.
Kaya lamang nadiskubre ang pagkakaroon ng malawakang pagkakasakit sa loob ng yarda ay nang magkaroon ng komosyon sa company compound dahil sa pagtutol ng mga manggagawa na manatili sa isolation facility na halu-halo naman ang mga empleyadong may COVID at yaong wala pang sakit.
Anila, malaki rin ang kakulangan at kaalaman ng mga tauhan ni Arguelles, hindi ng mga ito sinunod at ipinatupad ang reglamentong ipinaiiral ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (AITF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Naturingan pa namang National President ng Safety Practitioners of the Philippines si Arguelles, ngunit tila wala naman itong muwang sa batas na inugit ng pamahalaan bilang safety and health standard na ipaiiral sa kanyang kompanya?
Sayang ang tiwala ng mga kapwa nito opisyales ng Safety Practitioners sa bansa at salaping ipinasusuweldo ng EEI Corporation kay Arguelles, tiyak sabit ito sa ilalim ng doktrina ng command responsibility, tsk…tsk…tsk…
Ayon sa mga health authorities, sakaling magpakatotoo lang bilang pinakamataas na pinuno si EEI President and CEO Roberto Jose L. Castillo, ay marapat na sibakin na nito si Arguelles bilang titular head ng Safety, Health, Environment and Security ng kompanyang bahagi ng Yuchengco Group of Companies.
Dahil naman sa mahusay na pagpapatakbo ng EEI Corporation ay tumanggap si Castillo ng gawad ng pagkilala mula sa Corporate Governance Asia sa 7th Asia Excellence Award noong 2017. Kung tutuusin ay salungat sa accomplishment ni Castillo at ng EEI sa kabuuan ang mistulang pagiging inutil naman ni Arguelles. Hindi nito epektibong napamunuan ng buong husay ang kanyang departamento.
Hindi sumasagot sa kanyang telepono si Arguelles nang tangkaing kunan ito ng panig ng mga mamamahayag hinggil sa iniulat na posibleng pagkukulang ng departamento nito at ng pamunuan ng EEI sa pagbaka kontra-COVID sa naturang kompanya.
Takot marahil, batid ang laki ng kasalanan at obligasyon nito, umiiwas, nahihiya at walang lakas ng loob na humarap ito sa katotohanan?
Samantala hiniling ng ilang awtoridad at ng pamilya ng mga EEI workers kay PNP Chief for Administration at COVID Shield Task Force Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na pamunuan ang imbestigasyon laban sa mga opisyales ng EEI lalong-lalo na si Arguelles.
Nasilip ng mga ito ang maraming maaring paglabag nina Arguelles sa Safety and health protocols sa pagbaka sa COVID 19 sa EEI Corporation.
Pagkat ang inyong lingkod ang napakiusapan ng ilang kapamilya ng may 300 naapektuhan ng paglaganap ng COVID-19 sa EEI Fabrication yards sa bayan ng Bauan, kaya’t nakipag-ugnayan naman agad tayo kay General Eleazar kamakalawa ng umaga.
Inilatag natin kay General ang mga detalyeng nakalap natin sa ulat ni Bauan Municipal Administrator Ava Beatrice Jackquilene Talag, mga barangay officials ng naturang munisipalidad at iba pa na tumutugma sa akusasyong nagpabaya nga ang ilang opisyales at tauhan ng EEI Corporation at ang kawalan ng malinaw na hakbang doon bilang tugon sa kampanya ng pamahalaan kontra COVID-19 sa nasabing kompanya.
Higit sa lahat, hiling din ng pamilya ng COVID positive workers na ipatanggal sa kanilang tungkulin at ipakulong ang ilang EEI Corp. official na lumalabag sa COVID-19 health and safety protocols, kabilang na nga si Arguellles. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.