Advertisers

Advertisers

NUKNUKAN NG SINUNGALING

0 536

Advertisers

Sa maraming pagkakataon, ating napanood at natunghayan si Totoy Kulambo na nagbibigay ng pahayag na labis na ikinagugulat ng lahat, ngunit higit pa ng mga taong bumubuo ng batas sa bansa. Malinaw sa kanila na ang inuusal ni Totoy Kulambo ay patakaran na kailangang isulat at ipasunod sa mamamayan.

Subalit kung ang mga pahayag nito’y taliwas sa mga batas ng bayan at taliwas sa mga tuntunin ng tamang pag-iisip, eh paano ito isusulat at ipasusunod?



Sa apat na taong panunungkulan ni Totoy Kulambo, marami itong binabanggit na akala mo’y maayos. Subalit kung iyong bibigyan pansin at susuriin upang mapalalim, hay naku, ginogoyo ka lang at tatawanan.

Siya’y nuknukan ng sinungaling; naging biktima nito maging si dating Sen. Trillanes. Subalit kailangan nating pakinggan ang bawat inuusal niya upang makapulot tayo ng balita at aral upang magamit natin sa buhay bilang ordinaryong tao.

Subalit napakarami na nitong nabanggit na malayo sa tama o moralidad na batayan upang magamit natin sa pang araw-araw nating pamumuhay. May mga pagkakataon pa ngang tinakpan natin ang tenga ng mga bata upang hindi nila marinig ang sinasabi ni Totoy Kulambo.

Sa maraming taon na pagtigil ko sa mundong ito, kakaiba ang hilatsa ng dila nito na sa mga nagdaang punong bansa at nagresulta sa pagdausdos ng moralidad sa ating bayan.

Tanawin natin ang ilang isyu na malapit sa ating puso: Ang usapin ng mga obrero na umasa sa pangako ni Totoy Kulambo. Alam natin na hindi pa rin bumibigay ang mga uring obrero sa pangako nito na Security of Tenure (SOT) dahil napakahalaga nito sa kanila.



Kaakibat ito ng pagkain na inihain nila sa kanilang hapag, subalit hanggang sa ngayon ay walang naisakakatuparan. Mukhang hihilingin na lamang nila ito sa susunod na administrasyon.

Pangalawa, nanganganib naman na mabalewala ang hatol ng UNCLOS Permanent Arbitral Commission na ang hindi pag-aari ng China ang kabuuan ang South China Sea at ang West Philippine Sea ay bahagi ng exclusive economic zone ng Filipinas.

Dahil sa pagiging friendly ni Totoy Kulambo kay Xi o baka nama’y sadyang walang bayag ito na banggitin sa among tsekwa na sa atin ang WPS, puro salitang laway lang ang pangako nitong pag-jetski upang itirik ang bandila ng bansa.

‘Di ba, taliwas ito sa kaganapan ngayon? Malinaw na binobola lamang tayo ng nuknukan ng sinungaling.

Pagtuunan pa natin ang ilang nabanggit ni Totoy Kulambo sa kanyang SONA. Malinaw na naglalaway ito upang makuha ang pasilidad ng mga telco nang magamit at maibigay ito sa kanyang kroning hindi makapaglunsad ng negosyo dahil kulang-kulang ang mga posteng pagsasabitan ng kanilang mga kable.

Ang puhunang malapit sa Palasyo at kahit puhunang laway ang meron ito, nais nitong kumamal ng limpak-limpak na salapi. Itinago pa sa kagustuhan ni Totoy Kulambo na ayusin ng mga kumpanya ng telco ang kanilang serbisyo, upang sa darating na Disyembre’y matawagan ang Bethlehem.

Sa madaling salita, malalaman kung ano ang mangyayari sa mga kumpanyang ito kung ‘di pa rin nito naayos telecom sa bansa. O baka nama’y nais nitong padaliin ang trabaho ng kanyang kroni upang makapagsimula na ito ng operasyon ng negosyo.

Patago at may halong pananakot kung makipag-usap itong si Totoy Kulambo na akala mo’y bata ang kausap na puwedeng idaan sa panunuwag ang ibig makamtan. Kulang ba ang suportang ibinigay ng mga negosyanteng ito sa C19?

Tiyak na walang laman ang bantang binitawan ni Totoy Kulambo, subalit nakababahala dahil pinuno ng bansa ang nagsasabi. Magdadalawang isip ang negosyante lokal at dayuhan kung ito’y papasok at maglalagay ng puhunan sa bansa kung ganito ang uri ng namumuno.

Ang usaping negosyo’y usaping puhunan at hindi politika. Kaya ba nag-alisan ang mga negosyo sa bansa?

Sa totoo lang, napakahalaga ng bawat salitang inuusal ni Totoy Kulambo para sa bayan. Subalit sa kawalan ng katuturan at pawang kabalintunaan ang mangyari, hindi na ito pinapansin lalo’t para ito sa kagalingan ng bayan.

Alam na ng mga Filipino na ang magkamal ng limpak-limpak na salapi ang tanging nais lamang ni Totoy Kulambo. Kinakasangkapan niya ang mga kasapakat niya sa bawat sangay ng pamahalaan upang sabihin na hindi sa kanya ang galaw, kahit kitang-kita na ang mga bakas nito na patungo sa kanila; malinaw ito sa ABS-CBN.

Hindi na sila nasiyahan sa pondo ng bayan na kung gastusi’y akala mo sa kanila. Ang masakit nito, maging ang mga lehitimong negosyo na nagbibigay hanapbuhay sa mga obrero’y pinakikielaman.

At sa dulo, ang mga mamamayang Filipino ang siyang magpapasan nito sa ayaw man o sa gusto. Ang mga buwis na nakaamba para sa bayan ang siyang laging dala ni Juan Pasan Krus sa kanyang balikat.

Ang mga salitang inuusal ni Totoy Kulambo’y wala nang bale at puro laway lamang. Ang paglulubid niya ng salita ay galing sa isang pulitikong nuknukan ng kasinungalingan. O, tama na. Tapos na.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.