Advertisers
TIMBOG sa entrapment operation ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division ang isang lalaki na nagplanong abusuhin ang isang 12-anyos na babae sa Nueva Ecija.
Kinilala ang naaresto na si Randy Cordovez, 23.
Sa ulat, inaresto si Cordovez nang ayain nitong sumakay sa kaniyang motorsiklo ang dalagita na nakipagkita sa kaniya at plano sana niyang biktimahin.
Bukod sa cellphone, nakuha ng mga awtoridad sa suspek ang isang kumot na gagamitin umano ng suspek sa kaniyang masamang balak sa dalagita na dadalhin sa damuhan kungsaan gagawin ang kahalayan.
Ayon kay Vic Lorenzo, NBI Cybercrime Division chief, modus ng suspek na magpanggap na babaeng dalagita sa Facebook at kakaibiganin ang kaniyang target. Kapag nakuha ang loob ng biktima, kakausapin niya ito at hihingan na ng nude picture at video na gagamitin na niyang pang-blackmail kinalaunan.
Ipinapasa rin daw ng suspek ang nude photos at video sa kanilang group chat at kliyente sa abroad.
“Ang nagpa-facilitate ng production ‘yong nandito. Ang nagdi-direct, ‘yong sa ibang bansa. Ang nagpo-provide ng ibang materials mga child pornography, local,” ani Lorenzo.
“More dangerous pa ‘pag ang sexual predators dito local kasi they will have the ability to physically meet up doon sa mga victim nila dito sa Pilipinas,” dagdag pa ng opisyal.
Naharap si Cordovez sa kasong child abuse at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.(Jocelyn Domenden)