Advertisers
Dito ay wala na sigurong kokontra. Itong ikalimang SONA ang pinaka-boring na State of the Nation Address ng Pangulong Duterte. Palatandaan na ba ito ng pagsuko o sobrang pagod? O ito ay indikasyon na ng nanghihinang administrasyon?
Mahigit isang oras ng pautal-utal na pagbabasa na may panaka-nakang adlib. Mahinang boses na lumalabas mula sa dati’y maanghang na bunganga. Ang telebisyon ay naging larawan ng isang pagod na mukha. May banat pa rin sa kalaban; pero kumbaga sa lastikong ipinitik na dati’y malayo ang talsik, ang mga birada nya ngayon ay nasa antas na lamang ng saltik.
Si Drilon na lamang ngayon ang napagdiskitahan. Di naiwasan dahil sa linyang anti-oligarkiya, kailangan niyang may maumbag na dilawan. Pero sa halip na opensa, ang tingin ko dito ay mas depensa sa hindi popular na pagpaslang sa ABS-CBN. Lumilinaw kasi sa publiko na hindi naman mga ligal na paglabag sa prangkisa ang tunay na dahilan sa pagkamatay ng kapamilya network kundi ang personal na paghihiganti ng minaltratong kandidato noong 2016.
Isa pang dahilan sa mapanglaw na SONA ni PDuterte ay ang kawalang solusyon laban sa pandemyang kaharap ng bansa ngayon. Kaya’t ang tanging mababanggit nya dito ay ang tsansang makaimbento nga ng bakuna ang China pagdating ng Setyembre. Walang elaborasyon dahil sa ngayon, ito ay isa pa lamang haka-haka at kung sakaling magkatotoo, ang clinical trials nito bago maaprubahan ang paggamit sa buong mundo ay kakain pa ng mahabang panahon. At habang wala, manunulay muna siya sa patakarang lockdown at pagsalba sa ekonomiya.
Itong ekonomiya ang siyang pinakamabigat. Ang problema ito rin ang hindi niya naiintindihang paksa. Kaya nga pabiro pa niyang sinabi sa kalagitnaan ng kanyang SONA na kung hindi ninyo naiintindihan ang binabasa niya, eh lalo na raw siya. Na ang binabasa niya pala ay ang ilang reseta ng kanyang economic managers tungkol sa Bayanihan 2, suporta sa micro, small and medium enterprises, pagtuloy sa build-build-build projects at iba pa.
Noon pa naman ay aminado ang Pangulo na hindi niya linya ang ekonomiya. Kaya nga siya sa gyera sa droga nagkonsentra. Hindi niya tuloy napansin na ang P140 bilyon na pondo para sa Bayanihan 2 ay gapatak lang ng aktwal na kailangan para muling paandarin ang ekonomiya, na ayon sa huling taya ng isang grupo ng mga eksperto sa Oxford, ay lumagapak ng 14% sa second quarter. Samantalang ang panukala ng ilang ekonomistang mambabatas, ang kinakailangang stimulus fund ng bansa ay hindi dapat bumaba sa P1.3 trilyon.
Ano kaya ang mangyayari sa ekonomiya kung ang pansindi nito sa muling pag-andar ay P140B lamang? Mabuhay pa kaya ang mahigit 20 milyong trabaho na nahinto o nawala? May mapagkukunan pa ba tayo ng pondo maliban sa utang? Walang ideya dito ang Pangulo.
Mula sa kawalan ay muli siyang huhugot ng tapang sa kanyang paboritong menu. Death penalty sa mga druglords. Hindi tuloy ikinatuwa ng Nagkaisa! labor coalition ang bagay na ito. Gayundin ng Partido Manggagawa sa Kabataan (PM-K).
Ayon kay Atty. Sonny Matula ng Nagkaisa!, ang death penalty ang pinaka-hindi aasahang marinig ng publiko na ngayon ay nahaharap sa tunay na banta ng kamatayan at gutom sa gitna pandemya. Ang mas kailangan umano ng ekonomiya ay mas maraming senyales ng buhay, hindi dagdag na mga bangkay sa kanyang daraanan.
Sa pahayag naman ng PM-Kabataan, sinabi nito na sa huling dalawang taon ay dadanak pa ulit ang dugo dahil gustong ibalik ni Duterte ang death penalty gayong dumadami na nga ang namamatay sa COVID at namimiligrong mamatay din sa gutom ang marami.
Tila hindi na talaga makaalpas sa gyera sa droga ang Pangulo. Ito ang alam niyang laban na hindi rin natatapos, hindi rin nagtatagumpay. Sa labang ito ay hindi natin makikita na naglalaho ang kanyang tapang. Dahil nang malipat ang usapan sa West Philippine Sea, walang kurap na idineklara ng Pangulo: “Inutil ako dyan.”