Advertisers
LAGUNA – Positibong kinilala ng kanyang pamilya ang natagpuang bangkay ng lalaki sa loob ng inabandonang kotse sa Barangay Lawa, Calamba City nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Police Lt. Col. Gene Licud, hepe ng Calamba City PNP, hinihinalang pinahirapan bago pa pinatay at iniwan sa lugar ng ng mga salarin ang biktimang si Dennis Silva ng Alfonso Homes, Sta. Rosa, Laguna.
Nakilala ang biktima sa isang ID na nakuha sa loob ng kotseng Kia Picanto na kulay gray at may conduction sticker na EF 2112. Sales staff ito ng LVS Botique sa Calamba City.
Sa isinagawang pagsisiyasat ni Licud, nabatid na napiit si Silva sa lungsod ng San Pedro dahil sa pagtutulak ng droga noong 2013 hanggang 2017.
Bago nangyari ang insidente, pinuntahan ni Silva ang isa niyang kasamahan pero hindi niya ito nakausap dahil natutulog. Kaya bumalik ito ng lungsod ng Binan. Ngunit natagpuan nalang itong bangkay sa likurang bahagi ng kanyang minamanehong kotse kinabukasan (Martes). Nakatali ang mga kamay at paa at may busal ang bibig nito.
Ayon pa kay Col. Licud, naka-alarma (karnap) ang dalang kotse ni Silva. Nakatala ito sa pulisya na kinarnap sa lalawigan ng Batangas kamakailan.
Natuklasan pang peke ang narekober na dokumento ng nasabing sasakyan, habang ang identification card ay matagal na nitong ginamit mula sa LVS Boutique.
Sa kasalukuyan, hindi inaalis ni Col. Licud ang posibilidad na may kinalaman sa transaksiyon sa droga (onsehan) ang pagpatay sa biktima. (DICK GARAY)