Advertisers
NAGPALABAS si Manila Mayor Isko Moreno ng Executive Order kahapon na naglalayong magsagawa ng libreng mass swab testing para sa mga market vendors, mall employees, hotel staffers, restaurant workers, e-trike drivers, tricycle drivers, pedicab drivers, jeepney drivers at bus drivers sa lungsod upang matiyak na ligtas sila mula sa nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Alinsunod sa inilabas na Executive Order No. 39, inatasan ni Moreno ang Manila Health Department (MHD) na magsagawa ng libreng RT-PCR testing para sa mga naturang indibidwal kasunod na rin ng pagbubukas na ng ikalawang molecular laboratory sa lungsod, na matatagpuan sa Sta. Ana Hospital.
Ayon sa alkalde, layunin ng pagsasagawa ng naturang mass testing na pawiin ang pangamba ng mga mamamayan na mahawa ng COVID-19 sa pagtungo nila sa iba’t ibang mga establisimyento at mga pamilihan, at maging sa pagsakay sa mga pampublikong transportasyon.
“The real threat of COVID-19 will continue to persist in our community, thereby sending fear to every person of getting infected with it. This fear will affect not only the individual preferences and behavior or every person, but also the economic growth (of the city),” sabi ng alkalde.
“In order to allay the fear of getting infected with COVID-19, there is a need to assure the public that employees of these frequently visited establishments are COVID-19 free and thus spur economic activities,” dagdag pa niya.
Naniniwala rin ang alkalde na mahalagang mabigyan ang mga empleyado ng mga naturang establisimyento ng libreng RT-PCR testing bilang proactive initiative sa pagbalanse ng kalusugan at ekonomiya para sa pangkalahatang kapakanan ng mga Manilenyo.
“Gusto namin mabigyan ng kapanatagan ang mamamayan na habang nagbubukas tayo ng negosyo habang sila ay pabalik na sa trabaho, na ang mga kausap nila ay mga healthy persons or individuals,” anang alkalde.
Pagtiyak pa niya, “Tuloy-tuloy kami na magte-test at magte-test ng tao. Mas pinapalawak lang namin ang reach dahil alam din natin na for the person to be tested, you must be at least probable or suspected.”
Kaugnay nito, inaatasan din ng alkalde ang mga pinuno ng Manila Bureau of Permits and Licensing Office, Department of Tourism, Culture and Arts of Manila at Manila Traffic and Parking Bureau na tiyaking ang mga establisimyento sa ilalim ng kanilang hurisdiksyon ay nagre-require sa paglagda ng mandatory health declaration forms para sa contact tracing purposes. (Andi Garcia)