Advertisers

Advertisers

AY NAKU!

0 596

Advertisers

HALOS magpipitong buwan nang sinimulan ng pamahalaan ni Totoy Kulambo na ipasailalim ang Metro Manila at ibang lalawigan ng Luzon sa ilalim ng quarantine dahil sa pandemya. Nagpatuloy ito sa iba’t-ibang klasipikasyon ng quarantine hangang sa kasalukuyan, subalit hindi nito nasupil. Walang kinakitaan ng mga bagong hakbang para kontrolin at pigilan ang pagdami ng may sakit at mga namamatay.

Walang pagbabago sa laban. Kung ano ang ginawa sa simula, iyon pa rin ang ipinapatupad dahil sa kawalan ng plano. Ngayon, wala na rin pondo at wala pa rin bakuna. Ang masakit nito inaasa sa mga dayuhan ang kaligtasan at kinabukasan ng mga Filipino.

Sa halip na pagsikhayan ang mga tamang hakbang upang itawid ang bansa at mamamayan laban sa pandemya, umasa na lang sa dayuhang singkit, ay naku.



Sa maraming pagkakataon hindi natin nakitaan ang pamahalaang ito ng kalooban na ayusin ang mga hakbang laban sa pandemya at pagbangon ng kabuhayan. Sa halip kinukulayan ito ng dilaw o pula kahit na ang mga mungkahi’y tila katanggap-tanggap tulad ng ginawa ng mga healthcare workers at maging ni VP Leni.

Bakit ganoon?

Hindi ba ninyo tanggap na ang mga Filipino’y lubhang maalam at maasahan sa oras ng kagipitan? May mga solusyon at mga hakbangin na inilalatag, ngunit parang palaban o kalaban ang dating nito sa pamahalaang ito.

Hindi ba ninyo matanggap na ang mga mungkahi ay galing sa iba’t-ibang sektor ng lipunan at hindi sa no bright boys ng Davao. O’ talagang wala kayong malasakit at ‘di tunay ang inyong pagmamahal sa kapwa Filipino.

Ay naku, hindi ito kritisismo at hindi pagpapalapad ng pangalan ang ibig ng mga ito. Isa lang ang nais ng mga ito, ang maiayos ang takbo ng bayan. Dahil dito patuloy na bumababa ang tingin ng ibang bansa sa atin. Dagdag pa dito ang hindi matayuang tagumpay sa UNCLOS at iba pang usapin tulad ng paglabag sa karapatang pantao.



Sa linggong ito sundan natin ang isa na namang yugto ng teleserye ng pandemya. Gaya ng dati, wala na naman tayong inaasahan kundi ang mga pang-iinsulto, pagmumura, droga, kontra korapsyon, ilang personalidad na pagdidiskitahan at malamang ang walang katapusang pahayag nito tungkol sa pagbibitiw.

Ito ang madalas na laman ng ulat sa bayan ng BAHO. Ang kawalan ng mga hakbang upang lunasan ang mga isyu at usaping bayan ang siyang nakapanlulumo at nakakaiyak na katotohanan. Patuloy na naghahanap si Juan Pasan Krus ng mga pagbabago na makakagaan sa kanyang araw-araw na pasanin sa buhay dahil sa kahirapan.

Laging sawimpalad talaga ito sa mga inaasahan sa tuwing haharap si Totoy Kulambo at mag-uulat sa bayan. Ay naku Juan wala kang kadala-dala.

Hindi man namin sabihin, kailangan maging mulat ang pamahalaang ito sa mga kaganapan sa ibaba upang sa paglalatag ng mga solusyon, makikita at madarama ang mga pagbabago na siyang nais ng bayan. Hindi sapat ang gusto lamang ninyo ang ipapatupad sapagkat napakahalaga na may basehan ang hakbang na nais upang makita ang pinakapositibo at ibig nating resulta.

Sa ganitong hakbang hindi masasayang ang panahon, maging ang mga pondo ng pamahalaan, maliban na lamang kung hindi talaga sumagi sa isipan ninyo na lutasin ang problema at tulungan si Juan Pasan Krus na makaahon.

Ang tunay na layon ninyo’y ang balon ng kayamanan na inyong kinagigiliwan. Bale wala sa inyo at hindi na kayo nadala, ginawa ninyong eksperimento si Juan Pasan Krus kapag may naisip kayo at kapag palpak, sorry, baguhin at pagkakitaan, ay naku huwag naman.

Silipin natin ang pinakamainit na eksperimento sa kasalukuyan, ang paglalaba ng buhangin ng Manila Bay na kung saan makikita na pumuti ang buhangin nito na parang laba sa Tide, gulat ka ano? Isang napakatingkad na halimbawa ito ng proyekto na hindi pinag-isipan at napakalaki ng kaaksayahan ng pondo na inaanod lang ng tubig dagat.

Sabihin natin na may ilan na naibigan ito, subalit kitang-kita na hindi mapapanatili ito ng matagal dahil hindi tugma ang material na ibinuhos sa baybayin ng Manila Bay upang maging white shore ito. Kitang-kita nga na pagdating ng malalakas na alon, ayon parang hinataw na ang kinang nito na talaga namang sinayang lang ang pera sa proyektong ito. Ay naku.

Mahalaga sa bawat proyekto ng pamahalaang ito na may konsultasyon sa baba upang masiguro na kapaki-pakinabang ang kalalabasan nito. Mabuti man ang layunin, kung hindi naman tugma sa pangangailangan, tiyak sa kangkungan pupulutin ito. O, baka naman sinasadya upang malihis ang atensyon ng publiko sa mas maselan na mga usapin, na tuwiran na sa inyo ang tama.

Kaya, Totoy Kulambo at mga alipures nito, huwag sayangin ang pera ng bayan dahil lang sa ibig magpapogi o ilihis ang ilang mahalagang usapin. Pag-isipan at pag-aralan ang mga proyektong pambayan. Huwag sarili ang unahin dahil kahihiyan ang karaniwang kinalalabasan. Laging balikan ang kasaysayan ng ‘di maligaw sa paroroonan, ay naku matuto naman kayo.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com