Advertisers
POSIBLENG magkaroon narin ang administrasyong Duterte ng sarili nitong fact-checking team sa social media.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos bakbakan ni Pangulong Rody Duterte ang Facebook sa pagtanggal nito sa ilang accounts sa social media na nagsasagawa ng propaganda na sumusuporta sa administration.
Ang ginawa ng FB ay nagpagalit sa 75-anyos na Pangulo, na nanalo sa noong 2016 sa tulong ng social media campaign.
“Ang punto dito bakit kapag pabor sa gobyerno tinatanggal? Kapag pabor sa oposisyon hindi tinatanggal?” sabi ni Roque sa Palace press briefing nitong Martes.
Inalis kasi ng Facebook ang China-based, PH military at police-linked networks dahil sa mga ‘coordinated inauthentic behavior’.
Kinuwestiyon din ni Roque ang partnership ng Facebook sa local media outfits na Rappler at Vera Files bilang “fact-checkers”, sinabing ang social media giant ay pinapaboran lamang ang mga kritikal sa Duterte administration.
“Ang iba’t ibang mga bansa ngayon, nagsisimula na ‘yung proseso na gobyerno na ang kumukuha ng fact-checkers… Pag-aaralan po natin kung dapat gawin na natin ‘yan dahil hindi naman tayo makakapayag na ang fact-checkers ay tanging mga laban lamang sa gobyerno,” sabi ni Roque.
Ang Rappler at Vera Files ay parehong nakatanggap ng certification mula sa International Fact-Checking Network.
Nilinaw ni Roque na gusto lamang ng Presidente na makausap ang Facebook at wala itong plano na ipagbawal ang social media platform, kungsaan napakaraming Pinoy ang gumagamit nito.
“Ang sinasabi ni Presidente, pag-usapan ‘yan dahil pareho naman sila ng sinusulong ang karapatan ng malayang pananalita at malayang merkado ng mga ideya,” sabi ng bibig ni Duterte.