Advertisers
ITINUTURING na “persons of interest” sa krimen ang apat na construction workers na gumagawa sa tinutuluyang bahay ng tatlo kataong pinatay sa Caloocan city.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) chief Ronnie Ylagan ang apat na ‘POI’ na sina Anselmo Singcol, Adonis Singcol, Alden Singcol, at Dingding Sarmiento, pawang mga construction workers.
Sa ulat, nagtungo na sa pulisya sina Alden at Adonis.
Dalawang nursing graduates at isang estudyante ang natagpuang patay sa loob ng ginagawang bahay sa Caloocan. Ilan sa tinitingnang motibo sa malagim na krimen ay ang pag-hihiganti at pagnanakaw.
Natagpuang bangkay sa loob ng ipinapagawang bahay sa Barangay 179, Caloocan City sina Mona Ismael, 22; Glydel Belonio, 28; at Arjay Belencio.
Ayon sa report, pinatira ng kaanak si Belencio sa ipinapagawang bahay kasama ang kaibigang si Belonio. Habang si Ismael ay dumalaw lang doon para mag-review.
Ayon kay Police Colonel Dario Menor, hepe ng Caloocan Police, nahuli ni Belonio ang isa sa mga construction worker na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at nadiskubre pa ang ginawang panloloko ng ilang construction workers sa kanila. Isa na rito ang pagpapatong ng malaking halaga sa mga mater-yales para sa ipinapagawang bahay ng kaanak nito.
Bukod sa anggulong ito, tinitingnan din ang pagnanakaw dahil nawawala ang dalawang ATMs ni Belencio na naglalaman ng pera para sa construction.
Ngunit natagpuan sa crime scene ang mga cellphone ng mga biktima.
“Kasi kung pagnanakaw, pati sana ‘yung mga cellphone. Ine-establish po natin ‘yung ibang angle pa,” ayon sa PNP.(PFT team)