Advertisers
NANAWAGAN ang grupo ng seafarers sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nang ma-stranded ang mga ito sa Hong Kong port.
Sa report, tatlong buwan nang hindi pinapasweldo ang nasa-bing seafarers habang ang isa rito ay kinulong sa kanyang kabina dahil umano sa isang krimen.
Ayon sa United Filipino Seafarers (UFS), kasalukuyang na-trap ang 16 Filipino crew sa loob ng Greek registered Bulkcarrier vessel Angelic Glory na naka-angkorahe sa Hong Kong Port sa South China Sea.
Sinabi ni Engr. Nelson Ramirez, UFS president, isang marino na si Rico Guarnes, chief cook ng nasabing barko, ang humingi ng tulong sa UFS sa pamamagitan ng Facebook messenger at sinabing nakulong siya sa nasabing barko.
Ayon kay Ramirez, sinabi ni Guarnes na ipinag-utos ng kapitan ang pag-aresto sa kanya nang akusahan siya ng pagsaksak sa isa nilang kapwa marino na kanya namang pinabulaanan.
Nakakulong si Guarnes sa kanyang kabina at nakaposas simula pa September 7. Sinabi rin umano ni Guarnes na kumakain ito ng nakaposas habang guwardiyado.
Bukod dito, sinabi ni Ramirez na hindi na nakakatanggap ng sweldo ang 16 seafarers simula pa Hulyo ng taong kasalukuyan batay narin sa demand letter na ipinadala sa opisyal.
Ang demand letter ay pirmado ng 16 seafarers, naka-address sa Angelic Glory Ship Master Konstantinos Triantis; Panthalassa Maritime Corporation; Grimaldi Marine Partners sa Monaco; at Capt. Joselito Navales ng Magsaysay Maritime Corporation, na may petsang September 1. (Jocelyn Domenden)