Advertisers
PATAY ang magkapatid na frontliners nang pagbabarilin sa probinsya ng Cotabato.
Kinilala ang mga biktima na sina Haizon Lauban Wahab, 35, may asawa, miyembro ng isang radio groups; at Bai Puti Pepcy Lauban Wahab, nurse ng Datu Blah Sinsuat District Hospital sa North Upi, Maguindanao, kapwa frontliners kontra Covid 19 at residente ng Barangay Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon sa Pikit chief of police, Captain Mautin Pangandigan, pinagbabaril ng mga hindi kilalang salarin gamit ng kalibre.45 pistola ang mga biktima sa Sitio Pogpog, Barangay Inug-ug, Pikit.
Agad namang tumakas ang mga salarin tangay ang motorsiklo, cellphone at malaking halaga ng pera ng nurse patungo sa liblib na lugar sa Pikit.
Sa pahayag ng mga kamag-anak ng mga biktima, bibili sana ng motorsiklo ang mga ito sa naka-transaksyong online seller sa social media. Habang iniintay nila ang nasabing magbebenta ng motorsiklo ay nilapitan sila ng mga hindi kilalang lalaki at hinold-up at pinatay.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.(PFT team)