Bilang ng mga dumalaw sa MNC/MSC ngayong Undas, umimpis
Advertisers
UMIMPIS ang bilang ng mga taong dumalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC).
Ito ang pahayag ni acting Manila Mayor Yul Servo-Nieto. Nakatanggap din ng impormasyon si Servo-Nieto mula kina MNC Director Yayay Castaneda at MSC chief Jonathan Garzon na maliban sa pagkakakumpiska ng ilang prohibited items, ay wala namang naganap na kaguluhan sa paggunita ng Undas sa dalawang nasabing sementeryo.
Ayon kay Servo-Nieto ang parehong sementeryo ay bukas mula pa noong October 31 hanggang November 2 pero sarado ito noong October 29 at 30 dahil sa bagyong “Paeng.” Ang paggunita ng Undas sa MNC at MSC ay payapa at maayos.
Nabatid na napakaliit ng bilang ng mga bumisita sa mga nasabing sementeryo kumpara noong panahon na wala pang COVID-19 pandemic.
Napag-alaman na ang MNC na siyang pinakamalaking sementeryo sa bansa ay naghanda sa bilang ng mga taong dadagsa na itinakda nilang aabot sa milyon, ayon kay Castaneda.
Pero hanggang alas-3 ng hapon nitong Nov. 2 ang bilang ng mga bumisita ay umabot lamang sa 250,000, habang 210,000 naman sa MSC.
Mga flammable items naman ang nanguna sa mga nakumpiskang bagay sa mga bumisita sa dalawang sementeryo na aabot sa 1,566 sa MNC at 500 naman sa MSC. Nakakumpiska rin ng may 20 bladed weapons.
Ang sementeryo ay bukas mula 5 a.m. at magsasara ng 5 p.m. mula October 31 hanggang November 2.
Sinabi ni Castaneda na ang MNC ay babalik sa normal operating hours na mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. simula November 3. Ganun din ang inaasahan sa MSC. (ANDI GARCIA)