Advertisers
NASAWI ang isang ama at kritikal ang anak nitong nurse nang tambangan habang papauwi sa kanilang bahay sa Sultang Kudarat, Maguindano.
Hindi umabot ng buhay sa hospital si Gani Singkang, 50 anyos; habang nasa kritikal na kalagayan at nilalapatan ng lunas sa Cotabato Saniturium Hospital ang anak nitong si Abdulrasheed, 31, nurse sa Catobato Sanitarium Hospital, at kapwa taga- Barangay Gang, Sultan Kudarat.
Ayon kay Lt. Colonel Julhamin Asdani, Sultan Kudarat Municipal Police chief, 6:20 ng gabi nang maganap ang pananambang sa bahagi ng Brgy. Ungap, Sultan Kudarat.
Sakay ng SUV ang mag-ama na papauwi na ng kanilang bahay matapos sunduin ang anak sa pinagtratrabahuhang ospital nang pagsapit sa Brgy. Ungap ay pinaputukan ang mga ito ng hindi pa nakikilalang mga salarin. Tinamaan sa katawan ang mag-ama. Mabilis namang tumakas ang mga salarin.
Dinala ang mag-ama sa ospital, pero hindi na umabot ng buhay ang matandang Singkang, habang nasa kritikal ang anak nito.
Nakarekober ng ilang basyo ng bala ng caliber .45 sa pinagyarihan ng insidente.
Patuloy ang isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. (Mark Obleada)