Advertisers

Advertisers

Para iwas recycle, drogang nasasamsam ng mga operatiba lusawin agad

0 258

Advertisers

MALAKI ang punto ng kasalukuyang direktor ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG), Brigadier General Narciso Domingo, na dapat ay sirain agad ang mga iligal na droga na nasasamsam sa operasyon para hindi na ito ma-recycle ng mga gagong pulis.

Sinabi ito ni Domingo matapos niya mabuking sa kuha ng CCTV ang dalawang pulis na nangupit ng 42 kilos sa nasamsam na 990 kilos ng shabu sa tanggapan ng isang lending firm (Wealth and Personal Development Lending Inc.) na pag-aari ni Police Master Sergeant Rodolfo Mayo sa Sta. Cruz, Maynila kamakailan.

Si Mayo ay operatiba ng PNP-DEG.



Ang dalawa namang pulis na operatiba rin ng DEG na nangupit ng 42 kilos ng shabu sa ginawang raid sa lending firm ay sina Sr. MSgt. Jerrywin Rebosora at MSgt. Lorenzo Catarata.

Ibinalik naman ni Rebosora at Catarata ang nakupit nilang shabu matapos silang ipakontak ni B/Gen. Domingo. Pero iniwanan lang nila ito sa labas ng gate ng Camp Crame at hindi na nagpakita simula noon.

Ang katuwiran daw nina Rebosora at Catarata ay gagamitin sana nila ang kinupit na mga “bato” para sa kanilang “assets”. Ngek! 42 kilos para sa assets, para ano? Pangtanim ng ebidensiya sa kanilang operasyon? Animal!

Magkano ba ang street value ng 42 kilos ng shabu? Kung hindi ako nagkakamali ay mahigit P6 milyon kada kilo. Ibig sabihin ang 42 kilos ay tumataginting na mahigit P280 milyon! At puwede pa uli sila maging bida rito kapag itinanim nila ang 10 or 20 kilos sa mahuhuli nilang mapagtripang drug courier kuno na Intsik!

Naniniwala na tuloy ako na marami sa mga nahuhuling drug couriers o tulak kuno ay tinaniman lang ng ebidensiya tapos kukuwartahan ng mga gagong operatiba.



Kaya malaki talaga ang tama ni B/Gen. Domingo na lusawin agad ang mga nasasabat na droga, pagkatapos maimbentaryo, maiharap sa media at makunan ng larawan para ebindensya sa pagharap sa korte. Mismo!

Kasi nga kapag inilagay mo pa sa bodega ang mga nasamsam na droga habang naghihintay na matapos ang kaso sa korte, hindi malayong manakaw at ma-recycle ito ng mga tulisang operatiba.

Oo! nangyari na ito noon sa PDEA, panahon ni ex-Director General Dionisio Santiago, kungsaan ninakaw ng ilang agents nila ang mga ebidensiya sa pinagtataguan ng mga ebidensiya.

At naulit ngayon dito sa 990 kilos ng shabu na nasamsam ng DEG sa Maynila. Mabuti nalang at nirebyu ni B/Gen. Domingo ang CCTV sa lugar ng operasyon, nakita ang pangungupit nina Rebosora at Catarata.

Duda tuloy tayo na sa bawat malalaking operasyon ng taga-anti-drugs ay kumukupit ang ilan sa kanila at nire-recycle. Mismo! Hindi nyo ba nakikita?, halos karamihan sa mga operatiba ng anti-drugs ay mayayaman! Yes! Ipa-lifestyle check mo, tiyak bagsak ang marami sa kanila!

Dito lang kay Mayo, mantakin mo… Master Sergeant palang ay bilyonaryo na! Tinalo nya pa ang mga Heneral!

Anyare na ba sa multi-million worth ng bodycamera ng PNP? Bakit hindi nila ito ginagamit sa mga operasyon sa droga? Dapat recorded lahat ng nangyayari sa operasyon para hindi magduda ang mamamayan. Mabuti nalang at may mga CCTV, nabubunyag ang pinaggagawa ng ilang police scalawags. Tutukan!