Advertisers

Advertisers

Utol ni Percy Lapid nagpasaklolo sa CHR

0 159

Advertisers

PERSONAL na nagtungo sa Commission on Human Rights (CHR) office sa Quezon City si Roy Mabasa, isa ring beteranong journalist at kapatid ng napaslang na broadcast journalist na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, nitong Miyerkoles upang ilapit ang kaso.

Kasama ang abogado ng pamilya Mabasa, hinarap si Roy nina CHR Chairperson Richard Palpal-Latoc at Commissioner Beda Epres.

Sinimulan din agad ang unang case conference ng CHR sa Percy Lapid killing.



Sabi ni Epres, layon ng kanilang fact-finding investigation na matukoy ang mga indibidwal na dapat makasuhan, kabilang na rito ang mga taong gobyerno na posibleng sangkot sa pagpatay kay Mabasa.

“Aalamin namin kung we will be filing additional charges dito sa office namin. The investigation being conducted by CHR will contain kung sino-sino ang mga dapat kasuhan with the DOJ. Or if there are government officials involved in this, then we will be filing appropriate charges with the Ombudsman,” sabi ni Epres.

Bagama’t may banta na rin sa kaniyang seguridad, tuloy ang paglabas ng bahay ni Roy para sa pag-usad ng kaso.

Aniya, patuloy na nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay ang mga miyembro ng pamilya Mabasa kasama na siya.

Nag-alok naman ng seguridad ang pamahalaan patrikular ang Philippine National Police para sa pamilya ni Percy, pero hindi pa aniya makapagdesisyon ang pamilya.



“Hanggang sa ngayon, kami po ay hindi pa nakakagawa ng desisyon kung kanino kami kukuha ng seguridad sapagkat ito po ay napakasensitibong bagay dahil it involves lives and safety of our family members… Hayaan na muna yung pamilya na makapili,” sabi ni Roy.

Sa ngayon, balot pa rin aniya ng takot ang bawat miyembro ng pamilya simula nang mapatay ang kaniyang kapatid.

Nagkasakit na nga aniya ang maybahay ni Percy at patuloy na nakararanas ng trauma. Hindi rin nakalalabas ng kanilang bahay ang bawat miyembro ng pamilya.

“Yung buong pamilya, takot na takot. Alam n’yo, noong isang gabi, mayroon lang pumutok na labintador sa kapitbahay namin, nagtawagan na yung mga pamangkin ko sa’kin. I can understand the feeling.

Habang sila’y nagdadalamhati, may takot pa sa kanilang dibdib,” kuwento ni Roy.

Tiniyak naman ng CHR sa pamilya Mabasa na nakatutok sila sa kaso.

Ayon sa CHR, magkakaroon pa sila ng mga susunod na pagpupulong at tiniyak na may mga tauhan silang nakatutok sa paggulong ng imbestigasyon ng kaso sa DOJ.