Advertisers
ANG passbook ng umaming killer na si Joel Escorial na sumuko sa Philippine National Police ay nagpapatotoo sa kanyang sinabi na kinontrata siya ng P550,000 para likidahin ang hard-hitting radio commentator at tabloid columnist na Percival Mabasa, mas kilala sa “Percy Lapid”.
Ayon sa source sa mula sa Philippine National Police, nagkaroon ng limang deposito mula Setyembre 15 hanggang Oktubre 4, na may kabuuang halaga na P550,000 sa bank account ni Escorial.
Sinabi ni Escorial sa kanyang extrajudicial confession: siya’y kinontak ni “Jun Villamor” ng Sept. 5 para sa miyon na pagpatay kungsaan ay babayaran siya ng P550,000.
Kinumpirma naman sa media ni Southern Police District Director, Brig. General Kirby Kraft ang impormasyon tungkol sa bank transactions.
“Sinurrender na ng ating gunman si Joel ang kaniyang passbook kungsaan meron nag-deposit ng P550,000 sa bank account bilang pagpatay kay Percy,” Kraft said.
Ayon sa extrajudicial confession ni Escorial, sinabi niyang si Villamor, kababata niyang nakakulong sa New Bilibid Prison sa kasong droga, ay tumawag sa kanya ng Sept. 15 at sinabing inihulog na sa bank account niya ang down payment na P100,000.
Makikita sa passbook ni Escorial ang dalawang magkasunod na deposito, tig-P50,000 na ginawa sa loob ng isang araw lamang.
Kinabukasan, Sept. 16, inihulog uli ang karagdagang P100,000 kungsaan nagsimulang manmanan ni Escorial at kanyang mga kasabwat ang kilos ni Lapid.
Pagkatapos nito, ang sumunod na deposit ay Oct. 4, araw nang paslangin si Lapid habang papasok ang kanyang minamanehong SUV sa gate 8:30 ng gabi sa isang subdivision Las Pinas City kungsaan nakatira ang mamamahayag. Tapos nagkaroon uli ng deposits na P50,000 at P300,000 sa account ni Escorial.
Sa pagitan ng mga araw ng pag-deposit sa account ni Escorial, nagkaroon ng dalawang sunod na withdrawals mula Sept. 15, tig- P10,000.
Kasunod na araw, tatlong transactions na nagkakahalaga ng tig-P10,000 ang nangyari. Ang katulad na set ng transactions ay Sept. 19. At Sept. 26, nag-withdraw uli ng P10,000.
Pagkaraan ng tatlong araw, Sept. 29, tatlong withdrawals na tig-P10,000 uli ang nangyari.
Tapos nagkaroon ng tatlong withdrawals ng Oct. 3, isang araw bago patayin si Lapid.
At Oct. 4, nagkaroon ng malaking withdrawal, P200,000.
Sa sumunod na dalawanga raw, si Escorial ay limang beses nag-withdraw sa kanyang account, tig-
P10,000 bawat araw, ayon sa galaw sa kanyang passbook.
At Oct. 7, tatlong beses nag-widraw si Escorial, nagkakahalaga ng P30,000, pagkatapos ng may nag-deposit sa kanya ng P200,000.
Paliwanag ni Kraft, maaring ang Oct 7 deposit na ginawa ni Escorial ay hindi bahagi ng bayad para sa pagpatay kay Lapid, dahil ang nakalagay lamang sa kanyang affidavit ay P550,000 lang ang ibinayad sa kanya.
Ang pinaka-huli, Oct. 11, nagkaroon ng P170,000 withdrawal sa kanyang account. Ito na ang huling transactions na nakita sa passbook ni Escorial.
Si Villamor ay namatay Oct. 18, araw nang iprinisinta ng PNP si Escorial sa publiko.
Sabi ni Kraft, hindi pa nila natutukoy ang depositor/s dahil ito ay protektado ng Bank Secrecy Law.
“Tayo po ay gumawa ng kaukulang action na pagsulat sa banko, makakuha ng certificate of transaction… Sa part ni Joel, walang problem… Ang challenges lang, yung nag-deposit, kung sino. May bank secrecy law, covered pa ‘to”, sabi ng Heneral.
Sa kasalukuyan, ayon kay Escorial, tinatrabaho pa nila ang pagkuha ng CCTV footage mula sa mga banko o ATM machines para matukoy kung si Escorial mismo ang nagsagawa ng withdrawals.
Sinabi ng pulisya na naniniwala silang related sa kanyang trabaho ang pagpatay kay Lapid.
Si Lapid ay naging commentator ng DWIZ 882 KHZ at DWBL 1242 AM at mga tabloid na Police Files TONITE at HATAW kungsaan malupit niyang binabatikos ang Duterte administration at mga polisiya at ng ilang opisyal ng kasalukuyang administrasyon.