Advertisers
INIHAYAG ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang mga lumalabag sa home quarantine ang nagpaparami ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na naitatala sa bansa.
Ayon kay Año, batay sa kanilang karanasan sa mga lalawigan ng Cebu, Bacolod, gayundin sa Batangas, Laguna at Navotas, hindi nasusunod ang rules sa home quarantine kaya’t nagkakaroon ng hawahan ng virus.
Anang kalihim, sa halip kasi na mag-quarantine sa bahay, lumalabas din ang mga suspected at confirmed COVID-19 cases at nakikisalamuha sa ibang tao, na nagreresulta sa hawahan ng virus.
Hindi rin aniya naoobserbahang mabuti sa mga tahanan ang minimum health standards kaya’t nagpasya na ang pamahalaan na ipagbawal na ang home quarantine at dalhin na lamang ang mga suspected at COVID-19 cases sa mga quarantine facilities ng pamahalaan.
“Our experience in Cebu, Bacolod, now recently in Batangas, in Laguna, Navotas… ang nagpaparami talaga ng COVID cases ‘yung mga home quarantine sapagkat hindi talaga nasusunod ‘yung pag quarantine,” ayon kay Año. “Ang akala natin nasa bahay lang sila, ‘yun pala lumalabas din sila, bumibili ng sigarilyo, bibili ng pagkain, nakikipag-inuman tapos ‘yung mga lugar talaga na tabi-tabi.”
Kaugnay nito, nagbabala rin si Año na mahaharap sa kaparusahan ang mga taong lalabag sa ban sa home quarantine.
Samantala, iniulat rin ni Año na ang occupancy rate ng mga quarantine facilities sa National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon ay nasa 60% na ngayon.
“Hindi ko namo-monitor sa provinces but dito sa NCR, Region III and Region IV-A, mga around 60% ‘yung ating utilization so ibig sabihin marami pa tayong bakante kasi every 14 days may gumagraduate,” ayon kay Año. (Ernie Dela Cruz)