Advertisers
PINAYUHANG huwag mademoralisa at mawalan ng pag-asa, hinamon ni Sen. Bong Go ang matatapat na kawani ng gobyerno, partikular ng Philppine Health Insurance Corporation, na tumulong sa pamahalaan sa paglaban sa korapsyon tungo sa ikabubuti ng ating bansa.
Ginawa ni Sen. Go ang nasabing pahayag nang kanyang pangunahan ang “virtual launch” o pagbubukas ng ika-84 Malasakit Center sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba, Zambales noong Biyernes.
Ang nasabing ospital ay isa sa mga COVID-19-designated hospital kung saan naka-confined ang mga may kumpirmadong kaso ng virus.
Ang bagong bukas na Malasakit Center sa Zambales ay kauna-unahan sa lalawigan at ika-9 sa Region 3 at pang-44 sa Luzon.
Inihayag ang kanyang pagmamalasakit sa mga Filipino na naglalaan ng oras sa pagpila para lamang makahingi ng tulong sa pamahalaan, ipinaliwanag ni Go na ang Malasakit Center ay naglalayong tiyakin na ang mamamayan ay magkakaroon ng mas mabilis at convenient access sa medical at financial assistance mula sa gobyerno.
“Mahirap magkasakit, ito ang mga panahon na litong-lito ang mga kababayan natin at hindi nila alam kung saan sila hihingi ng tulong,” ani Go.
Sa Malasakit Center, ang mga pasyente o ang kanilang kinatawan ay kailangan lamang lumagda sa isang unified form para mag-request ng tulong sa halip na bisitahin ang hiwa-hiwalay na government offices na matatagpuan sa iba’t ibang lugar.
Mayroon din ito express lane para sa persons with disability at senior citizens.
Ang mga kinauukulang ahensiya na nagbibigay din ng medical at financial assistance na bahagi ng Center ay ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.
“84th na Malasakit Center na po itong sa inyo sa Zambales at tuloy-tuloy po ito dahil batas na po ito ngayon,” ayon kay Go.
“Sa batas na ito, magkakaroon po ng Malasakit Centers sa lahat ng 73 DOH-run hospitals at ‘yung mga local government hospitals na gustong magkaroon ng Malasakit Center, they have to follow a criteria na nakalaan sa batas katulad po ng inyo.
Sumunod kayo sa criteria kaya mayroon na kayong Malasakit Center d’yan sa Iba, Zambales,” dagdag na pahayag ni Go.
Pinagtibay ng Republic Act No. 11463 o mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019, ang lahat ng ospital na pinatatakbo ng DOH sa buong bansa at sa Philippine General Hospital sa Maynila ay may mandato na magtatag ng kanilang sariling Malasakit Center.
Ang mga ospital na pinatatakbo naman ng local government units at public hospitals ay maaari ring magtatag ng kanilang Malasakit Centers subalit kailangang maabot ang standard na itinakdang criteria at guarantee ng availability ng pondo para sa operasyon ng kanilang centers, kabilang na ang maintenance, personnel at staff training.
Ang mga pasyente na ia-admit sa LGU-run at iba pang public hospitals pero eligible sa medical at financial assistance ay maaari ring makahingi ng tulong mula sa Malasakit Centers.
Sa kanyang live video message, hiniling ni Go sa mga tapat na empleyado ng PhilHealth na patuloy na makipagtulungan para sa pagpapabuti ng bansa, tumulong sa paglaban korapsyon at magbigay ng “best service” sa mamamayan.
“Mga taga-PhilHealth, ‘wag po kayo mawalan ng pag-asa. Alam ko pong mas marami pang matitinong empleyado ng PhilHealth na gustong maglingkod nang buong katapatan,” anang senador.
Ayon kay Go, nakalulungkot na naging “pulutan” sa mga pahayag at iba pang midyum ng pagbabalita ang PhilHealth dahil sa usapin ng anomalya kaya tiyak na may ilang empleyado ng ahensiya na nadedemoralisa.
Kaya naman ipinayo niya sa mga matitinong kawani na nais lang magtrabaho at maglingkod sa mamamayan na tulungan ang ating mga kababayan na maibalik ang pera nila sa pamamagitan ng matapat na serbisyo at paglaban sa katiwalian.
Sinabi ni Go na siya naman ay magpapatuloy sa kanyang pangako na huhukayin ang katotohanan sa likod ng isyu ng korapsyon sa ahensiya, sabay sabing ang mga sangkot ay marapat lamang na managot.
Hindi kasi aniya katanggap-tanggap na ang perang pinagpawisan ng ating mga kababayan, lalo ng OFWs na nagbibigay ng remittance nila para makapag-enrol sa PhilHealth ay napupunta lang sa katiwalian ng iilang opisyal.
Tiniyak ni Go na gagawin niya at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanilang makakaya para tapusin ang korapsyon sa pamahalaan.
“Tulungan nyo lang po kami ng Pangulo. Magtulungan po tayo dahil di po namin kayang gawin ‘yan kung kami lang po dito sa taas ang gagawa,” ayon kay Go. (PFT Team)