Advertisers
PINURI ni Manila Mayor Isko Moreno ang isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pagpapakita ng katapatan sa gitna ng kanyang tungkulin, kasabay nito ang panawagan ng alkalde sa lahat na gayahin ang kanyang magandang ginawa.
Sa kanyang live broadcast, pinasalamatan at pinuri ni Moreno si Argie Columbres at inatasan si MTPB Director Dennis Viaje na bigyan ng pabuya si Columbres sa pagbibigay dangal at karangalan sa hanay ng MTPB. Nabatid na si Columbres ay dalawang buwan pa lang sa MTPB.
Partikular na nagpahayag ng kanyang pasasalamat ang alkalde kay Columbres at sa mga nauna pa dito sa pagpapakita ng dedikasyon at katapatan sa kanilang trabaho at dahil dito ay nabubura na ang dating imahe ng MTPB na kilalang-kilala sa ‘kotong’.
Sa kanyang ulat sa alkalde, sinabi ni Viaje na nasa kanyang routine job si Columbres bilang parking attendant dakong alas-3 ng hapon noong Miyerkules nang makita at mapulot niya ang isang wallet malapit sa panulukan ng Recto Avenue at Narra Street, Binondo.
Ayon kay Viaje ay sinikap na hanapin ni Columbres ang may-ari ng wallet at mang hindi niya makita ay agad na lamang niya itong ipinagbigay alam sa tanggapan ng MTPB.
Ayon pa kay Viaje ay sinikap ng kanyang tanggapan na mahanap ang may-ari ng wallet sa pamamagitan ng ID at contact number na laman ng wallet, pero bigo sila.
Dahil dito nanawagan si Moreno sa may ari ng wallet na kinilalang si Mark Edwin Veloso base sa kanyang ID sa loob ng wallet, na magpunta sa tanggapan ng MTPB upang kunin ang kanyang wallet na naglalaman ng hindi pa batid na halagang cash.
Sinabi ni Moreno na maaring dumiretso na lamang si Veloso sa tanggapan ni Viaje at nagpakita lamang ng dokumento bilang patunay na siya ang may-ari ng wallet.
“Congratulations sa iyong kagandahang-loob.
Unti-unti ay nagbabangong-puri na ang MTPB. Dati kasi ang sama ng imahe. Daming tolongges, kotong. Sana ay pamarisan ka ng lahat ng mga kasamahan mo,” pahayag ni Moreno kay Columbres, na ipinagkakapuri niya ding iprinisinta sa kanyang live broadcast. (ANDI GARCIA)