Advertisers
PORMAL na nagbitiw bilang chairman emeritus at director ng ABS-CBN Corporation si Eugenio “Gabby” Lopez III. Nagbitiw rin siya bilang director ng ABS-CBN Holdings Corporation, Sky Vision Corporation, Sky Cable Corporation, First Philippine Holdings Corporation, First Gen Corporation, at Rockwell Land Corporation.
Nagpapasalamat siya sa tiwala ng mga stockholder ng mga korporasyong ito, sa mga kapwa director at tagapamahala na kanyang nakasama sa paninilbihan sa mga nagdaang taon.
Tinanggap ng Board of Directors ang kanyang pagbibitiw sa ginanap na pagpupulong kamakailan.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa kanyang dedikasyon at pamumuno sa mga nagdaang taon upang palawakin ang mga serbisyo ng ABS-CBN bukod sa telebisyon. Tulad ng kanyang amang si Eugenio ‘Kapitan Geny’ Lopez Jr., si Gabby ay isang makabagong lider na may matinding malasakit at pagmamahal para sa Pilipinas at mga kababayan natin.
Lagi niyang ipinaaala sa amin na ang pagiging bahagi ng ABS-CBN ay higit sa isang trabaho dahil ang manilbihan sa mga Pilipino ay isang marangal na tungkulin.
Nirerespeto namin at buo ang aming pagsuporta sa kanyang desisyon. Taos-puso rin kaming nagpapasalamat sa kanyang paggabay at pagtanim sa puso’t isipan ng bawat Kapamilya na sikaping maghanap ng mga bagong paraan para matugunan ang pangangailangan ng tao, mahalin ang sariling bayan, at laging maglingkod sa publiko.
Ipagpapatuloy namin ang nasimulan nila ng kanyang ama sa aming misyong maghatid ng serbisyo sa Pilipino.”
Samantala, inihalal din ng Board of Directors si Mario Luza Bautista bilang Director ng Corporation sa binakanteng pwesto ni Lopez. Siya ay 66 taong gulang at nagsilbing pangunahing abogado ng kumpanya at kasapi ng Board of Advisors ng ABS-CBN simula pa 2011. (Showbizteam)